NTC: Pag-alis sa expiry date ng prepaid load malabo

MALABONG maipatupad ang pag-aalis ng expiration date sa mga prepaid cellphone load. Ito ang kinumpirma ni Edgardo Cabarrios, director ng National Telecommunications Commission (NTC).

Ayon kay Cabarrios, kapag ipinatupad ito ay mas tataas pa ang singil ng mga telcos.

“Base po sa aming study, mukha pong imbes na makabuti ay baka ho magpataas pa ng presyo ng mga serbisyo sa mga mobile phones,” ani Cabarrios.

Paliwanag ni Cabarrios, na lumalabas na kahit hindi nagte-text o tumatawag ang isang cellphone user ay gumagamit ito ng pasilidad ng kanyang telecommunications company.

“Pag active ang sim card, gumagamit ng pasilidad ng telco kahit hindi po ginagamit [ang text at tawag]. Habang lumalakad po yung subscriber ay inaalam po ng network kung saan siya pinakamalapit na cell site. Gumagamit po ng pasilidad ng mga telco maski na po walang tumatawag sa kanya.”

Tatlong piso (P3.00) umano ang average na ginagastos ng Smart Communications araw-araw, may cellphone load man o wala ang isang consumer, para magbigay ng signal dito habang P8.00 naman para sa mga Globe company.

Kung tatanggalin umano ay wala nang aayuda sa ginagastos na ito ng mga telcos na posible ring ipasa kalaunan sa mga consumer.

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply