OMB patong sa pirated cd/dvd business

ANG problema ng tumitinding iligal na negosyo ng DVDs at CDs sa bansa ay maihahalintulad sa ‘di masugpo-sugpong illegal gambling business. At kung bakit ‘di mahinto-hinto, bagkus lalong lumalawak ang pirated DVD/CD business ay dahil sa ‘lagay’ na natatanggap ng mga awtoridad.

Ang kapulisan, National Bureau of Investigation at iba pang investigating at operating agencies ay ayaw nang kumilos kapalit ng ‘tong’ na ibinubusal sa kanila ng mga financier ng illegal gambling at faked DVDs at CDs.

Maging ang Optical Media Board (OMB) na pinamumunuan ni Ronnie Rickets ay, tila, ‘di kayang sugpuin ang pirated DVD/CD business. Ito’y dahil  maraming opisyal at kawani ng OMB ay ‘patong’ na rin sa operasyon ng iligal na DVD/CD business, ayon sa sources ng Chokepoint. Aba’y umikot ka sa buong bansa, ang mga piniratang pelikula at bagong awitin ay lantarang ibinebenta ng mga ganid na DVD/CD  trader.

Ang matindi, kahit mga piniratang indecent DVD at CD na matitindi ang laman na bold at nagtatalik na babae at lalaki ay mabibili kahit saang sulok ng bansa. Ganyan katindi ang bentahan ng pekeng DVDs at CDs dahil sa kabuktutan ng mga awtoridad na patong sa iligal business na ito.

Nagkalugi-lugi na ang film at recording companies dahil sa ‘di masugpo-sugpong operasyon ng mga gagong negosyante na ito. Sa principle of command responsibility, aba’y walang dapat sisihin ni Pangulong Nonoy Aquino sa pagkalat ng mga ito kundi si Rickets.

Tila, bulag, pipi at bingi na rin si Rickets sa matinding bentahan ng DVDs at CDs. Eh bakit nga ba? Ayaw kong mag-isip laban kay Mr. Rickets. Gaya na lang diyan sa Batangas City proper, nakuh, eh, ang mga nagbebenta ng mga iligal na produktong ito ay nagkalat sa mga commercial center. Bakit ‘di tayo mag-iisip, eh, binabanggit ang pangalan ni Mr. Rickets ng isang nagngangalang ‘Bobby’ na nasa likod ng operasyon ng DVD/CD gang sa naturang lungsod.

Ngayon, para mapawi ang suspetsa natin, siguro kailangang kumilos ang OMB chief. Lusubin nila ang Batangas City at paghuhulihin ang mga nagbebenta ng pirated DVDs at CDs.

Sa totoo lang, mabantot na mabantot ang imahe ni Mr. Rickets dahil sa paggamit sa kanyang pangalan ni alyas ‘Bobby’. Itong si ‘Bobby’ ay nagdadala ng lingguhang ‘lagay’ sa Batangas City PNP bilang protection money para sila’y ‘di hulihin ng kapulisan.

Siya raw ang nagdadala ng weekly tong sa opisina ng OMB. Kung sino ang nilalagyan, aba’y yan ang dapat diskubrehin ni Mr. Rickets. Abangan natin ang aksiyon ni Mr. Rickets.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply