‘Opisyal’ ng Malakanyang arestado sa kuwestiyunableng sasakyan

INARESTO ng mga tauhan ng PNP-Highway Patrol Group ang isang opisyal umano ng Malakanyang dahil sa paggamit ng kuwestiyunableng sasakyan sa Mandaluyong City.

Kinilala ang nahuli na si Rene Golangco, 57-anyos, anak ni Architect William Golangco na kilalang contractor ng malaking mall sa bansa at nagpakilala umanong Presidential Adviser on Climate Change for Business Affairs.

Batay sa report ng Task Force Limbas, inaresto ng kanilang mga tauhan si Golangco sa Maysilo circle sa panulukan ng Boni Avenue sa nabanggit na lungsod, noong Martes ng gabi.

Ito ay bunsod ng traffic violation subalit kinalaunan ay natuklasan na ang dala nitong Kia Soul na may plakang TFQ-313 ay may “hold order” matapos makuwestiyon ang pag-aari nito.

Nang sitahin, walang maipakitang orihinal na dokumento si Golangco sa dala nitong sasakyan kaya’t nagdesisyon ang Task Force Limbas na i-impound ito sa Kampo Crame kung saan din ikinulong ang suspek.

Tinangka pang pigilan ni Golangco ang mga tauhan ng Task Force Limbas na hilahin ang sasakyan matapos na rin umano nitong ipagmalaki ang kanyang koneksyon sa Malakanyang, National Police Commission, Department of Justice at iba pang ahensya ng gobyerno kasabay ng pagyayabang sa dalawang “Malacañang seal” sa sasakyan.

Gayunman, wala na itong nagawa nang manindigan ang Limbas na kailangang manatili sa kanilang kustodiya ang sasakyan habang patuloy ang imbestigasyon.

Natuklasan na ang Kia Soul gayundin ang isa pang Kia Sorrento na may plakang TPO 581 ay kinuha ni Golangco sa Kia Acropolis sa pamamagitan ng pag-iisyu ng post dated check subalit bago mapaso ang petsang nakalagay sa tseke ay nag-isyu si Golangco ng stop payment order.

Ito ay dahil walang pondo ang account at inirereklamo umano ng suspek na may diperensya ang mga sasakyan subalit nanindigang hindi isasauli ang mga ito.

Bukod sa kasong carnapping na posibleng kaharapin ni Golangco, ipinagharap ito ng kasong obstruction of justice at disobedience to authorities ng HPG.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply