Ortega case, Comm. David at Sen. Villanueva?

KAHAPON ay isang maasim na talumpati ang ginawa ni PNoy sa harap ng immigration office kung saan sinabi nitong dismayado siya sa performance ng mga ito.

Kung ang isang tao’y marunong umintindi, siguro naman ay kulang na lang sabihin ng Pangulo na ‘inutil’ ka at mabuti pang lumayas ka na r’yan sa puwesto mo.

Siguro naman ay may natitira pang ‘delicadeza’ sa katawan ni dating General at ngayo’y Immigration Commissioner Ricardo David.

‘Yun bang === an officer and a gentleman.

Na puwedeng magsabi sa sarili n’ya na “HINDI KO KAYA ANG TRABAHONG ITO!”

Hindi kabawasan sa pagkalalaki ang pagreresign at sa halip ay isa itong marangal na hakbang para patunayang isa kang gentleman na marunong umamin ng pagkakamali.

Sangkatutak na palpak na ang nangyayari sa Bureau of Immigration and Deportation, kaya, Comm. David, mahiya naman po kayo.

VILLANUEVA SA NPC

Ginulat tayo ni Sec. Joel Villanueva nang bigla itong bumisita sa National Press Club kamakalawa ng hapon.

Walang agenda, kundi ang pangungumusta lamang sa kanyang mga kaibigan sa media.

Napag-usapan ang kanyang nalalapit na pagkandidato sa Senado ngunit naging tikom
ang bibig nito at sinabing nag-iisip pa s’ya.

JACKPOT SI PNOY

Para na ring nanalo sa Lotto si PNoy sa pagkuha kay Joel Villanueva bilang kalihim na mamuno ng TESDA.

Dati ang maituturing na graft ridden na tanggapan sa administrasyong Arroyo ay matagumpay nang nakatutulong sa mga maliliit nating mamamayan na maging isang skilled worker.

Sangkatutak na mamamayan na rin ang nabigyang-tulong ng TESDA para makapasok sa maayos na trabaho.

Sa madaling salita ito ang matuwid na daan ni Sec. Joel Villanueva.

VILLANUEVA SA SENADO?

Isang payo lang ang ibinigay ng ULTIMATUM kay Sec. Villanueva kung sakaling mapagpasyahan n’yang sumabak sa darating na 2013 senatorial elections.

Kapag 80 hanggang 90% ang kanyang kasiguruhan sa pagkapanalo… Ituloy n’ya!

Kapag 70% pababa ay mag-isip-isip muna s’ya.

Bakit, mga Bro? Sayang ang kanyang ‘galing’ bilang isang public servant.

Mas makabubuting ituloy n’ya muna ang kanyang ginagawang serbisyo publiko para sa 2016 ay hinog na hinog na s’ya at siguradong doblado na rin ang kanyang popularidad dahil sa angkin n’yang abilidad at katapatan sa kanyang tungkulin sa taumbayan.

Payo lang po yan!

BULTO NG BOTO

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na malaki ang bilang ng Jesus is Lord na maituturing na political backbone ng mga Villanueva.

Sa bilang na 3 milyong mahigit na botante nito ay talaga nga namang malaking  ungos ito para sa senatorial slate ng administrasyon.

Ikokonsidera ba ito ng Pang. Noynoy? ABANGAN!

ANG HIRAP HABULIN NG KRIMINAL

Likas ba talagang mahirap habulin ang mga kriminal sa bansang Pinas?

‘Yan po ang nakabiting tanong sa isipan ng ULTIMATUM makaraang makita natin na hanggang sa kasalukuyan ay walang hustisyang natatanggap ang ating mga kapatid sa pamamahayag na napatay.

JIMENEZ CASE

Unahin na natin ang ating mga kapatid sa pamamahayag na sina Albert Orsolino at Dick Melendres.

Si Lope Jimenez na isa rin sa itinuturong nagpapatay kay Rochelle Barrameda ang hinihinalang mastermind sa pagkamatay ng dalawang mamamahayag na nakabase sa Malabon.

Nasaan na s’ya ngayon?

Nasa Malaysia na raw ito at nagpapasarap.

AMPATUAN CASE

Ang mga Ampatuan na pumatay sa 33 nating kapatid ay nakakulong nga pero buhay hari naman.

Araw-araw ay galing sa Century Park Sheraton ang kinakain ng mga ito at airconditioned private room pa ang tinutulugan nila sa Bicutan.

REYES CASE

Nagkaroon na ng warrant ang Reyes brothers ng Palawan para arestuhin sila sa kasong pagpatay sa ating kapatid na si Doc. Gerry Ortega.

Ano ang nangyari? Pinapuslit ito palabas ng bansa ng immigration officer para nga naman ‘di ito makulong.

Nasaan ang hustisya sa matuwid na daan ni Pang. Noynoy?

SPECIAL BODY

Matagal nang iminungkahi ng National Press Club na isang special body ang humawak sa mga kasong media killings ngunit hanggang sa kasalukuyan ay ayaw itong aksiyunan.

Bakit? Mayroon bang kinatatakutan ang pamahalaan?

Ito sana ang magiging solusyon sa walang tigil na patayan sa hanay ng media.

Alam naman natin na kapag media ang pinapatay ay kadalasang politiko o taong may kapangyarihan ang may kagagawan.

Kaya sa crime scene palang mismo ay siguradong magkakaroon na ng hokus pokus sa mga ebidensiya.

Isunod pa natin ang impluwensiya ng mga ito sa korte at sa ibang ahensiya ng gobyerno. Hay naku! Ano na ba ang ginagawa ng Task Force 211 ng DOJ at ano na rin ang ginagawa ng Task Force Usig ng PNP?

Magbilang na lang kung ilan na ang napatay?

‘Yan lang ba ang inyong tungkulin?

Noong panahon ni Usec. Ricardo Blancaflor bilang pinuno ng Task Force 211 ay walang tigil itong nakikipag-ugnayan sa NPC para sa ikalulutas ng mga kaso ng media killings.

Pero ngayong panahon na ni Usec. Baraan ay mukhang naglahong parang bula ang inumpisahan ni dating Usec. Blancaflor.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply