OT ng mga taga-BID sa mga airlines, private company, inalis na – Palasyo

WALA nang matatanggap na overtime pay ang mga empleyado ng Bureau of Immigration and Deportation (BID).

Sa idinaos na ika-72 taong anibersaryo ng BID, sinabi ng Pangulong Benigno Aquino III na naniniwala siyang hindi na ito dapat pang maging dagdag-pasanin ng mga airlines at iba pang mga pribadong kompanya.

Ang katuwiran ng Chief Executive ay kabilang ang mga airlines at iba pang pribadong kompanya na dapat tulungan ng mga taga-BID bilang tulay ng bansa sa pagpasok ng mga turista at upang bantayan kung sumusunod ang mga ito sa mga alituntunin ng pamahalaan.

“Lilinawin ko lang po: hindi namin binabalewala ang inyong pagseserbisyo; patuloy ang ating pagsusumikap upang siguruhin na makakatanggap kayo ng karampatang kabayaran na naaayon sa batas,” ayon kay Pangulong Aquino.

Sa kabilang dako, sinabi nito na hindi sapat na katwiran ang sabihin dati na itong kalakaran dahil hindi maitutuwid ang baluktot na sistema, kung ang itutugon ng lahat ay “ito kasi ang nakasanayan.

”Hindi naman po yata tamang hangga’t may mababatuhan tayo ng sisi, solve na ang problema. Kung kanya-kanyang interes ang ating inuuna, walang mangyayari sa atin. Walang kapupuntahan ang bansa natin.Bakit ba mahalaga ang maigting na pagtataguyod ng reporma sa pandarayuhan? Sa maayos na pag-asikaso at paggabay sa mga dayuhan, pihadong makakamit natin ang target na sampung milyong turista sa bansa pagdating ng 2016.Sa maigting na pagbabantay, masisiguro nating ang mga dumadayo dito ay mag-aambag ng positibo, sa halip na mang-agrabyado; na ang dapat nasa labas ay mananatili sa labas, at ang mga dapat manatili sa loob ng bansa ay hindi makakatakas,” ani Aquino.

Ginagawang Pangulong Aquino ang lahat upang ipakita sa publiko na nagbago na ang mukha ng kanyang pamamahala kaya buo aniya ang kanyang suporta sa Development Plan ng BID hanggang 2016.

Kabilang, aniya, rito ang pagsusulong ng bagong Philippine Immigration Act upang higit na maprotektahan ang bansa mula sa trafficking in persons, transnational crimes, droga, at terorismo.

Bahagi rin nito, aniya, ang pagpapatayo ng mga bagong pasilidad, modernisasyon sa serbisyo, at pagtatalaga ng bagong hanay ng mga propesyunal sa inyong ahensya.

Sa pangunguna, aniya, nina Justice Leila De Lima at BID Commissioner Ricardo David ay tiwala ang Pangulong Aquino na sa lalong madaling panahon ay maisasakatuparan ang kanyang mga adhikain.

“Mahalagang patatagin ang ugnayan ng Bureau of Immigration at ng mga katuwang nitong ahensya sa ilalim ng Kagawaran ng Hustisya upang maabot ang buong potensyal ng pagtatanggol at pagbabantay sa ating bayan. Tandaan po nating nasa gobyerno tayo hindi para sa anumang pribilehiyo, o para magpayaman, kundi upang unahin ang kapakanan ng sambayanan.Ito nga mismo ang prinsipyong tumitimon sa buong gabineteupangmagsilbing mabuting halimbawa, at upang maghatid ng de-kalidad na serbisyo sa kapwa,” ani Pangulong Aquino.

Samantala, ipinagmalaki nito na napakasarap maging Filipino sa panahong ito.

Kaysarap, aniyang, sabihing, “Sa gobyerno ako nagtatrabaho, at nakikiambag ako sa pagbabago.”

Kaya nga ang hamon ng Pangulong Aquino ay ”patunayan nating sa mga panahong dumarating ang pagsubok, tayo pa rin ang matatag na sandigan ng taumbayan. Patunayan nating nangingibabaw ang prinsipyo, laban sa tukso ng katiwalian. Patunayan nating sa tapat na paglilingkod-bayan, hindi lamang sa salita, kundi pati na sa isip at gawa, maihahandog natin sa bansa ang pangmatagalang kasaganahan.”

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply