Ozamis robbery gang suspek sa Alabang Town Center hold-up

ANG grupo ng kilabot na Ozamis robbery gang ang itinuturing ngayon na nagsagawa ng mapangahas na panghoholdap sa Alabang Town Center na ikinasawi ng isa sa mga suspek at nakasugat ng walo katao noong Biyernes ng umaga sa Muntinlupa City.

Sa ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Leonardo Espina, sinabi ni Southern Police District (SPD) Director Chief Supt. Benito Estipona na nakilala na nila ang tatlo sa may 13-kataong suspect na nagsagawa ng panghoholdap sa Czarina Money Changer at nakapagtangay ng hindi pa batid na malaking halaga ng salapi.

Batay sa footages na nakuha sa close circuit television (CCTV) camera, positibong nakilala ang isa sa mga suspek na si Ricky Cadavero, alyas Kambal at isang alyas KC na kapwa miyembro ng Ozamis Robbery Group.

Kinilala rin ang dalawa ng mga nasugatang security guard na sina Lope Bacomo at Alexander Sablada nang ipakita ang kanilang larawan mula sa hanay ng mga may rekord na sa pulisya na kanilang nakabarilan.

Napatay naman ng mga guwardiya sa naturang enkuwentro ang isa sa mga suspek na si Pepito Paler na kabilang sa may kinakaharap ding kaso ng panghoholdap.

Sinabi ni Estipona na nakilala na rin nila ang pinakahuling bumili ng inabandonang ginamit na sasakyang  Mitsubishi lancer (PKR-173) na isang nagngangalang Michael Damulo na kasapakat din ng mga suspek.

Batay na rin sa pahayag ng ilang mga testigo, limang araw bago mangyari ang panghoholdap ay palagi na nilang namamataan ang isa sa mga suspek na si Cadavero na pabalik-balik sa naturang money changer na nakasuot pa ng barong at may mga alahas na posibleng nagsasagawa na ng pagmamatyag.

Natukoy na rin ng pulisya na isang M203 grenade ang ginamit ng mga suspect nang pasabugin ang salamin ng kalapit na Sterling Bank of Asia na ikinasugat ng lima-katao na isang paraan upang doon mapunta ang atensiyon ng mga nagrespondeng pulis.

Aminado naman si bagong talagang Muntinlupa police chief Sr. Supt. Conrad Capa na halos 20-minuto bago nakapagresponde ang pulisya sa krimen gayung kung tutuusin ay halos dalawang minuto lamang ang layo ng police detachment sa pinangyarihan ng panghoholdap.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply