P527-B badyet pangkalusugan, ipatupad – AHW

NANAWAGAN ang Alliance of Health Workers ( AHW) kay Pangulong Benigno Aquino na gawing P527Billion (5% ng Gross Domestic Product) ang 2013 badyet pangkalusugan ayon sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) upang matugunan ang lumalalang problemang pangkalusugan.

Sa kasalukuyan, gumugugol ng mas mababa pa sa 2% ng GDP ang pamahalaan para sa health budget nito o humigit kumulang P1.50 lamang kada araw sa bawat isang Pilipino.

Kaugnay nito, sumugod sa Kamara de Representante kamakailan ang mga manggagawa mula sa ibat ibang pampublikong ospital sa Kamaynilaan kasama ang mga maralitang lungsod upang iprotesta ang anila’y patuloy na pagpapabaya ng pamahalaang Aquino sa usapin ng kalusugan ng mga Pilipino.

Ayon kay Robert Mendoza, Secretary General ng Alliance of Health Workers (AHW), imbes na dagdagan ng pamahalaan ng pondo para sa kalusugan, binabawasan pa ito at itinutulak ang nakamamatay na pagsasapribado ng mga ospital.

Ayon pa Mendoza, ang pondo para sa Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE ay patuloy bumababa at mawawala sa 2014. Sa MOOE kinukuha ang gastusihin ng mga ospital tulad ng pambili ng gamot.

Para sa 2013, hindi binibigyan ng badyet ang Capital Outlay ang DOH specialty hospitals na siyang inaasahan ng mga ospital na ito upang ipaayos ang mga pasilidad at pambili ng mga kagamitan.

Pahayag ni Sean Velchez, ang Presidente ng union ng Philippine Orthopedic Center: “Pati ang Magna Carta Benefits ng mga health workers tulad ng Hazard Pay at iba pang benepisyo ay hindi rin binibigyan ng budget.”

Giit ng grupo, dapat seryosohin ng pamahalaan ang usaping kalusugan. Sa kasalukuyan, pito sa 10 may sakit na Pilipino ang namamatay na hindi man lang natitingnan ng duktor dahil sa sobrang kahirapan.

Anila, 80,000 sanggol ang namamatay kada taon dahil sa mga sakit na maaaring maiwasan kung maagap na magagamot at 11 buntis na babae ang namamatay araw araw dahil sa mga kumplikasyon ng panganganak. Ang problemang pangkalusugang ganito ay isa sa dapat bigyang solusyon ng pamahalaang Aquino.

Sumama sa protesta ang mga empleyado ng Philippine General Hospital, Philippine Orthopedic Center, National Center for Mental Health, San Lazaro Hospital, Jose Reyes Memorial Medical Center, National Kidney and Transplant Institute, Lung Center of the Philippines, Philippine Heart Center, Tondo General Hospital at Research Institute for Tropical Medicine. Kasama nila ang maralitang taga lunsod mula sa Quezon City, Paranaque, Tondo, at Pasig.

 

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply