P6M utang ng MPD sa tubig mababayaran na

TINIYAK ng pamunuan ng Manila Police District na mababayaran na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang halos P6 milyon pagkakautang sa Maynilad ng MPD.

Ayon kay District Director Chief Supt. Alex Gutierrez, nakipag-usap sila sa Maynilad ni NCRPO Chief Supt.Leonardo Espina at nangako silang babayaran ang utang sa tubig at maibalik na rin ang suplay sa headquarter at sa lahat ng sub-stations nito.

Gayunman, sinabi umano ng Maynilad na bagama’t mababayaran na ang pagkakautang sa tubig ay hindi pa rin maibabalik kaagad-agad ang serbisyo nito hanggang hindi pa natatapos ang inspection sa mga tubo ng tubig sa loob ng MPD.

Ito ay upang malaman umano kung may mga tagas para hindi na lumaki pa ang bayarin.

Umaasa naman ang pamunuan ng MPD na maibabalik na ang suplay ng tubig sa susunod na linggo na naputol noong isang linggo.

Samantala, pinaiimbestigahan na rin ni Gutierrez ang mga police personnel na umano’y may 15-30 o yung mga lumulutang lamang sa headquarters upang kumuha ng kanilang sahod tuwing a-kinse at katapusan.

Ani Gutierrez, may sumbong umano na ang nasabing mga kapulisan ay nagbibigay ng P1,000 sa isang mataas na opisyal upang sila ay malayang nakapagpapasweldo kahit hindi nagtratrabaho.

Kasabay ng isinasagawang imbestiagsyon ay inaalam din kung sino ang sinasabing opisyal na sangkot sa nasabing isyu.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply