Pag-iimbestiga ni Robredo kay Puno, kinumpirma ni Cruz

KINUMPIRMA ng isang Catholic prelate na inimbestigahan nga ng yumaong si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ang kanyang Undersecretary na si Rico Puno.

Ayon kay Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz, dating pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), ilang buwan na ang nakakalipas ay nagtungo sa kanya si Robredo at naghinga ng sama ng loob tungkol sa kanyang kampanya sa jueteng.

Tumanggi naman si Cruz na idetalye pa ang mga sinabi sa kanya ng yumaong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG), gayundin ang mga nalalaman niya sa imbestigasyon nito laban kay Puno.

“Nagkita kami ni Secretary Robredo mga 3-4 months bago siya namatay at naghinga siya ng sama ng loob sa akin,” ayon kay Cruz.

Sinabi rin ni Cruz na alam niya kung bakit ginawa ni Puno ang pagpunta sa tanggapan ni Robredo.

“I found that very, very understandable ‘pagkat maaaring talagang merong tinitingnan. Kaya ito nga nakita kong may nagmamadaling pumunta kung saan-saan, eh madaling pagsama-samahin ang mga puno’t dulo,” pahayag pa ni Cruz.

Nauna rito, napaulat na ilang oras lamang matapos bumagsak ang eroplanong sinakyan ni Robredo ay tinangka na umano ni Puno at ilang opisyal ng PNP na halughugin ang condominium unit at mga tanggapan ni Robredo.

Batay pa sa ulat, target umano ni Puno ang mga dokumentong patungkol sa imbestigasyon sa kaniya ni Robredo.

Tahasan ring sinabi ng Arsobispo na walang nakuhang suporta si Robredo mula sa Malakanyang kaugnay ng kampanya nito kontra sa naturang illegal numbers game.

Naniniwala naman si Cruz na ang paghawak pa lang ni Puno sa pulisya, sa halip na si Robredo bilang kalihim ng DILG, ay kuwestiyonable na.

Aniya pa, bagama’t si Robredo ang secretary at undersecretary lamang si Puno, ay hindi ito direktang nasa ilalim ng yumaong kalihim at sa halip ay dumidiretso sa Malakanyang.

Si Puno ay kilalang malapit na kaibigan ni Pangulong Benigno Simeon Aquino III.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply