Pagbabago sa pulis kailangang ipatupad

DALAWANG maginoo sa kapulisan ang lutang na lutang sa mga araw na ito.

Sina Philippine National Police chief Nicanor Bartolome at National Capital Region Police Office chief Leonardo Espina.

Lalong lumaki ang inaasahan ng bayan sa pulisya nang sabihin mismo ni Pangulong Noynoy Aquino na maaaring palitan ni Gen. Bartolome si Department of Interior and Local Government Undersecretary Rico Puno at siya ang magiging bosing ng PNP.

Ganundin sa parte ni Gen. Espina makaraang mismong mga pulis niya ang humulidap sa sarili niyang anak.

Itong tandem nina Gen. Bartolome at Gen. Espinosa naganap ang pag-neutralize sa malalaking carnapping syndicate gaya ng Dominguez brothers.

Yun bang === habang bosing ng PNP si Gen. Bartolome, bosing naman ng Highway
Patrol Group si Gen. Espina.

MUKHA NG GOBYERNO

Sa totoo lang, isang lantad na mukha ng pambansang pamahalaan ang mga pulis.

Pambansa dahil hindi pa namang hawak ng mga lokal na pamahalaan ang pulisya.

Ang nagagawa lang ng mga lokal na pamahalaan ay magrekomenda o pumili sa mga kandidatong hepe sa kani-kanilang mga teritoryo.

Dahil pambansa, anoman ang larawan ng pulisya sa madla ay larawan na rin ng pambansang pamahalaan sa kanila.

PANGIT ANG PAGMUMUKHA

Paano kung higit na masama ang impresyong ipinakikita ng mga pulis kaysa mabuti sa mamamayan?

Gaya ng nagaganap ngayon kahit magtanong pa kayo sa mga barangay!

Aba, tatagos kay Pangulong Noynoy at iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan sa pagdura ng mamamayan laban sa mga pulis.

At nakaaawa naman ang mga inosenteng opisyal ng pamahalaan na nadadamay sa kalokohan ng mga pulis patola.

Napakahirap burahin ang masamang imahe ng mga pulis. Kahit iginigiit ng mga opisyal na bibihira ang mga iskalawag sa nasa 140,000 pulis, mahirap paniwalain ang mamamayan.

Pare-parehas sila mula sa ibaba hanggang sa itaas ang naririnig mula sa masa, sa totoo lang.

HAMON KAY BARTOLOME

Sa pagtaas ng posisyon ni Gen. Bartolome, aasahan na ang mas mataas na level ng problema sa kapulisan.

Kung noong panahon ni Gen. Jess Verzosa ay naging problema ang malalaking kontrobersiya gaya ng helicopter deal ng nakaraang administrasyon, mapapasabak naman si Gen. Bartolome sa katulad na mga kaso.

Kahit tatawagin na siyang Undersecretary sa mga darating na araw, hindi maiaalis sa kanya ang pagkilala bilang straight na heneral at magmumula rito ang disiplina sa posisyon na kanyang dadalhin at paiiralin sa DILG bilang Usec.

Ano nga ba ang gagawin ni Gen. Bartolome sa kontrobersya sa pagbili ng armas para sa PNP ng papalitan niya sa puwesto na si Usec. Puno? May nagpapahiwatig na nagkaroon ng overpricing at tongpats sa P1 bilyong kontrata rito.

HAMON KAY ESPINA

Maliit lang ang populasyon ng HPG na hinawakan ni Gen. Espina.

Ayon sa ating mga kaibigan diyan sa HPG, madaling disiplinahin ang hanay ng mga ito.

Lalo na ang mga nasa Metro Manila dahil na rin sa sipag na makialam ang media sa gawain ng mga ito.

Hehehe!

Ang mahirap lang ay sa lalawigan na takot na magsumbong ang mamamayan sa mga awtoridad dahil sa hawak na kapangyarihan ng mga HPG.

Ang kapangyarihan ng mga ito siyempre ay nasa tatak ng kanilang mga patrol motorcycle at car at armalite.

Tingnan ninyo, matagal na namayagpag ang Dominguez Brothers dahil may mga HPG mismo na scalag na kakosa ng mga ito.

Ngayong nasa NCRPO na si Gen. Espina, makikita ngayon ang kanyang gagawin sa pagdisiplina sa kapulisan na puno ng mga scalawag.

TAHIMIK NGUNIT KUMIKITA

Isang katangian ng maraming pulis sa Kamaynilaan na sakop ng NCRPO ang pagkakasangkot sa mga pagkakakitaan, ligal at iligal.

Halimbwa, high tech na ang pangongotong ng mga ito. Ayon sa mga driver sa jeepney, sa ATM na ng mga pulis ipinadadala ang tongpats at hindi katulad noon na sa palad mismo ng mga pulis dumadapo ang ang mga ito.

Pero ang pinag-uusapan dito ay ang mga opisyal ng pulisya at kung mayroon mang parang namamalimos na mga pulis, mga barya-baraya lang yan.

Yung libuhang tongpats sa isang linggo at galing sa mga asosasyon ng mga driver at operator ang ipinadadala sa ATM.

Siyempre, iba pa ang tongpats sa mga vendor ng yosi, DVD at iba’t ibang uri ng paninda ng mga maliliit, sa illegal terminal, sa iligal na sugal, sa mga hulidap sa droga at iba pa.

MARAMING PAGBABAGO

Sa kabuuan, mga Bro, marami ang gagawin ng mga pulis upang magbago ang kanilang imahe sa mamamayan mula sa pangit sa pogi at seksi.

Hehehe.

At marami ang kanilang gagawin upang maiangat nila maging ang pambansang pamahalaan mula sa pagdududa at kawalan ng pagtitiwala ng mamamayan.

Kung magaggawa lang ng mga pulis na na maibalik ang respeto ng mamamayan sa pulisya katulad noong unang panahon kahit na batuta at tsapa lang ang dala ng mga ito, tiyak na magtatagumpay ang buong pamahalaan sa paglilingkod-bayan at kahit sa laban sa krimen.

Napakalaki ang inaasahan kina Gen. Bartolome at Gen. Espina bilang mga ehemplo ng kapulisan sa mga araw na ito.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply