Pagbibitiw ni DILG Usec. Puno, palusot

PALUSOT lamang ang pagbibitiw ni DILG Usec. Rico Puno para di makasipot sa imbestigasyon ng Senado, ayon sa isang mambabatas.

Ayon kay Zambales Rep. Mitos Magsaysay ang pagbibitiw sa tungkulin ay hindi dapat ipalusot sa di pagsipot sa imbestigasyon.

Kaugnay nito, hinamon ni Magsaysay si  Puno na sumipot sa imbestigasyon ng Senado at harapin ang mga katanungan patungkol sa kanyang mga desisyon sa ahensiya.

“Hindi pa rin malinaw kung sisipot ba si Puno sa pagdinig ng Senado o hindi pero kung talagang wala nga siyang itinatago gaya ng kanyang sinasabi, wala siyang dapat ikatakot.”

Ani Cong. Magsaysay, layunin ng imbestigasyon na mabigyang linaw ang kontrobersiyal na arms deal pati na ang mga “exclusive powers” ni Puno sa ahensiya.  Dagdag pa niya, responsibilidad ni Puno na magpaliwanag sa taumbayan ukol sa mga anomalyang nagdadawit sa kanyang pangalan.

Sinabi din ng mambabatas na kinakabahan siya na ang pagbibitiw ni Puno sa posiyon ay indikasyon na hindi siya dadalo sa imbestigasyon dahil ang hindi niya pagpunta ay maaring makapagdelay sa imbestigasyon dahil siya ang may hawak ng impormasyong kailangan upang lumitaw ang katotohanan sa likod ng maanomalyang kontrata na iniimbestigahan na ng yumaong Sec. Robredo noon pa.

“Kailangan nating malaman ang katotohanan upang mapanagot at makasuhan ang totoong nasa likod ng mga kontratang ito. Noong lumabas ang mga ito, isang pangalan ang iniuugnay dito at iyon ay ang pangalan ni Usec. Puno. Tigilan na sana niya ang pagtatago sa likod ng Pangulong Aquino at tumayo sa sarili niyang paa.”

Idinagdag ni Rep. Magsaysay na dapat ay itigil na ng Malacañang ang balak na ilagay si Puno sa isang “maganda at tahimik” na pwesto sa pamahalaan dahil kwestiyonable ang kanyang kredibilidad.

“Nawalan na ng tiwala ang taumbayan kay Puno at kahit pa sabihin ng paulit ulit ng Pangulo na siya ay may kumpiyansa pa rin sa kanyang kaibigan, hindi ito sapat upang magbago ang pananaw ng publiko. Hindi nila dapat na ipilit na basta na lamang tanggapin si Puno sa panibagong posisyon.”

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply