Paghirang kay Roxas bilang kalihim ng DILG, tinututulan ng maralita

HINDI lang si Sen. Miriam Defensor-Santiago ang nagpahayag ng pagtutol sa kumpirmasyon kay Sec. Mar Roxas bilang bagong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Maging ang urban poor group na Kalipunan ng Damayang Mahihirap o Kadamay ay nagpahayag din ng mariing pagtutol sa pagluklok ni Roxas sa dating pwesto ni Sec. Jesse Robredo. Nangako rin ang grupo na maglulunsad ng kilos-protesta sa labas ng opisina ng DILG sa unang araw ni Roxas sa pwesto.

Ngunit ayon sa grupo, hindi lang dapat teknikalidad ang maging batayan ng senadora sa paghadlang sa kumpirmasyon ni Roxas bilang bagong kalihim ng DILG. Diumano, dapat ay pagbatayan din ng senadora ang rekord ng angkan ni Mar na Roxas at Araneta sa paglabag sa karapatan ng mga mamamayan na tila malayung-malayo sa ipinakita ni Robredo noong siya ay nagsilbing kalihim ng DILG.

Ayon kay Carlito Badion, national vice chair ng Kadamay, batbat ng dungis ang rekord ni Mar sa pagharap sa usapin ng mga maralitang lungsod. Sangkot diumano ang mga Araneta sa pagpapalayas sa libu-libong maralita sa Pangarap Village, Caloocan City na humantong sa pamamaslang sa dalawang lider-maralita mula sa nasabing komunidad noong Hulyo 2011.

Pahayag pa ng grupo: “Ano na ang kahihinatnan ng mga maralitang nahaharap sa demolisyon sa pagkakahirang kay Roxas bilang kalihim ng DILG? Tiyak na madadagdagan pa ang 10 lider-maralita na pinapaslang dahil sa kanilang paglaban sa demolisyon. At higit na magiging mailap ang hustisya para sa mga biktima ng pamamaslang at sapilitang pagpapalayas sa mga maralita sa kanilang komunidad.”

Malaking diperensiya

Napakalaki umano ng kaibahan ni Roxas sa namayapang dating DILG Sec Robredo. Ayon kay Badion, “Kahit papaano sa panahon ni Robredo, makailang beses na naglabas ng kautusan ang DILG para magpatupad ng tigil-demolisyon at mga pag-aaral upang tugunan ang problema ng gubyerno hinggil sa mga maralitang lungsod?”

“Kay Roxas, at sa basbas ng Malacanang, tiyak na interes ng mga negosyanteng kagaya niya ang magiging salalayan ng mga polisiya ng DILG. Umasa na tayo sa mas marami pang kaso ng mararahas na demolisyon at pamamaslang sa hanay ng mga maralita sa darating na mga araw,” dagdag ni Badion.

Salubong na protesta

“Sakaling hindi na mapigilan ang paghirang kay Roxas bilang bagong kalihim ng DILG, maglulunsad ng kilos-protesta ang mga maralita sa labas ng opisina ng DILG sa unang araw pa lang niya sa katungkulan. Magiging malaking tulong si Roxas sa higit pang pagpukaw sa galit ng mamamayan sa konta-maralita at makadayuhang gubyerno ni Noynoy Aquino,” sabi ni Badion.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply