Pagkakalusot nina Roxas, Abaya sa CA ikinatuwa ng M’cañang

TUWANG-TUWA ang Malakanyang at kulang na lamang ay magpamisa nang makalusot sa butas ng karayom ng Commission on Appointments (CA) sina DILG Sec. Mar Roxas at DoTC Sec. Joseph Emilio Abaya.

Sinabi ni Presidential spokesman Edwin Lacierda na maaari nang simulan ng dalawang Kalihim ang kani-kanilang mga tungkulin at programa lalo pa’t nakumpirma na sila ng makapangyarihang CA.

Kanina ay walang kahirap-hirap na nalusutan ng mga ito ang matinding bigwas ng komisyon at ito’y sa kabila ng mga pagtutol ng ilang empleyado mula sa Bureau of Customs, Bureau of Quarantine at Bureau of Immigration.

Sa ulat, partikular na tinutulan ng ilan sa mga empleyado ng naturang sangay ng pamahalaan ang kumpirmasyon ng dating kalihim ng DOTC kaugnay ng natigil nilang overtime pay mula sa airline companies sa bansa, kung saan tinawag sila ng kalihim na nangongotong at hindi nagbabayad ng buwis.

Subalit sa nangyaring pagdinig, nagisa ni Sen. Franklin Drilon ang kinatawan ng mga grupo na si Atty. Henry Tuban, dahil kung tutuusin umano ay sila ang maaaring sampahan ng kasong technical malversation dahil nangongolekta ng overtime pay sa airline companies kung saan hindi napupunta sa kaban ng pamahalaan ang pera sa halip ay sa sarili nilang bulsa.

Si Senador Drilon mismo ang nagsulong ng kumpirmasyon ni Roxas na agad inaprubahan ng komite.

Sa committee level ay hindi pa nagpakita si Sen. Miriam Defensor-Santiago na unang nagpadala ng sulat kay committee chairman Sen. Tito Sotto kung saan nagpahayag itong ibi-veto niya ang kumpirmasyon ni Roxas dahil sa pang-iisnab sa ginawang imbestigasyon kay resigned DILG Usec. Rico Puno.

Inaasahan na sa plenary ng CA mamaya ay lulutang ang senadora, pero ayon kay Roxas nakahanda naman siyang sundin ang proseso ng CA pero ikinalulungkot nito ang ginawang hakbangin ng dating kasamahan sa Senado.

Dati umano siyang bahagi rin ng Kongreso at alam niya ang sistema lalo na kung i-invoke ni Santiago ang Section 20 na magpapaliban sa kanyang pormal na kumpirmasyon.

Nagpaliwanag pa si Roxas na ang nangyari noong nakaraang Linggo ay hindi pang-iisnab niya dahil hindi pa naman siya nakakaupo bilang DILG secretary kaya magiging walang saysay ang kanyang pagiging resource person.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply