Paglilikas ng mga maralita sa Rizal, ipinahihinto

RODRIGUEZ, Rizal–Ipinahihinto ng lokal na pamahalaan ng Rodriguez sa National Housing Authority at mga lokal na pamahalaan ng Lungsod Quezon at Maynila ang paglilikas patungong Kasiglahan Village sa Brgy. San Jose ang mga maralitang biktima ng mga demolisyon mula sa mga nabanggit na mga lungsod.

Nilagdaan kamakailan lamang ni Mayor Cecilio C. Hernandez ang resolusyon 12-192, hakbang upang maging legal ang pananatili sa Kasiglahan Village 1k2-Phase 1 ng mga naging biktima ng nakaraang pananalasa ng Hanging Habagat.

Labis naman na ikinatuwa ng mga maralitang nahaharap sa banta ng demolisyon sa Maynila at QC ang nasabing Kapasyahan ng lokal na pamahalaan.

Sa kasagsagan ng pagbaha noong Agosto ay nilisan ng mga relocatees na nakatira sa mga mabababang bahagi ng Kasiglahan Village ang kanilang mga unit at nag-okupa sila ng mga bakanteng bahay sa mas mataas na lugar.

Ngunit ayon sa Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), isang alyansa ng mga samahan ng maralitang lungsod, ang mga bakanteng unit na ito umano ay nakalaan para sa mga maralitang nakatakdang palayasin mula sa Maynila at QC gaya ng mga residente ng Sitio San Roque at San Isidiro sa North Triangle na nakatakdang palayasin ngayong taon.

Sa liham-karaingan mula sa grupo, nagpahayag ang mga maralita ng pangamba sa Sangguniang Bayan kaugnay sa muling pagpapabalik sa kanila sa mga iniwan nilang lugar sa Kasiglahan Village.

Ayon kay Carlito Badion, national vice chair ng Kadamay, natutuwa ang mga relocatees na kinilala ng lokal na pamahalaan ng Rodriguez ang kanilang karapatan sa paninirahan, di tulad umano ng mga alkalde sa Metro Manila na basura ang trato sa mga maralita.

Higit pang ikinatuwa ng mga relocatees ang ‘pagpapatigil sa anumang pagbabanta sa hindi pagsusuplay ng mga batayang utilities tulad ng tubig ang kuryente.’ Isang paraan umano ito ng NHA para lisanin ng mga maralita ang mga inukopang unit sa Kasiglahan.

Sa kabila ng nabanggit na desisyon, patuloy pa rin ang mga tauhan ng NHA sa pananakot at pagpapalayas sa mga relocatees sa kanilang bagong tirahan. “Kung kaya, maging sa relokasyon ng pamahalaan, patuloy pa rin pagbabarikada ng mga relocatees para labanan ang sapilitang pagpapalayas sa kanila ng pambansang pamahalaan,” pagwawakas ni Badion.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply