Pagpapatala ng mga lalahok sa World Youth Day, bukas na – CBCP

INIANUNSYO ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang pormal nang pagsisimula nang pagpapatala ng mga pilgrim groups na interesadong lumahok sa ika-27th World Youth Day (WYD) sa Rio de Janeiro sa Brazil, na nakatakdang idaos mula Hulyo 23 hanggang 28.

Ayon sa CBCP, maaaring iproseso online ang pagpapatala ng mga pilgrims sa http://www.rio2013.com , na siyang official website ng WYD 2013.

Nabatid na hiwalay ang registration ng mga pilgrims para sa mga Obispo at mga journalists na nais na dumalo sa pagtitipon.

Nilinaw naman ng CBCP na ang mga Pinoy na nais sumama sa official delegation ng Pilipinas sa WYD, sa ilalim ng pangangasiwa ng CBCP-Episcopal Commission on Youth (ECY), ay hindi na kailangang magparehistro sa kanilang sarili.

Ayon sa CBCP, ang ECY na mismo sa pamamagitan ng National Secretariat for Youth Apostolate, ang siyang mag-aasikaso sa registration ng mga pilgrims na nais dumalo sa pagdiriwang kasama ang ECY-Philippines delegation.

Nabatid na noong nakaraang linggo, nag-isyu na ang WCY ng walong pahinang primer hinggil sa WYD 2013 at sa ECY-Philippines delegation, na ikinukonsiderang official country delegation ng WYD organizers sa Vatican at Brazil.

Ayon kay ECY executive secretary Fr. Conegundo Garganta, ang registration ng pilgrim groups para sa ECY-Philippines delegation ay isinasagawa na at magtatapos sa Oktubre 5 habang registration naman ng individual pilgrims ay magsisimula sa Oktubre 5 at magtatapos sa Enero 31, 2013.

Aminado naman si Garganta na inaasahan na nilang mas kaunti ang mga Pinoy na lalahok sa WYD dahil sa financial requirement ng pilgrimage.

Batay sa pagtaya ng ECY, ang mga pilgrim na bibiyahe mula sa Maynila patungo sa Rio de Janeiro ay gagastos ng $2,300 hanggang $2,500 para sa airfare.

Hindi pa umano kasama dito ang participation cost na $365 para sa mga dadalo sa WYD week sa Rio de Janeiro, at $465 para sa mga dadalo sa Missionary Week sa mga  dioceses sa labas ng Rio de Janeiro mula Hulyo 17 hanggang 20.

Tiniyak naman ni Garganta sa mga pilgrims na pinipilit nilang mapababa pa ang expenses sa pagdalo sa WYD.

Inimbitahan rin nito ang mga interesadong kalahok na sumama sa ECY-Philippines delegation dahil kung mas madami umano ang kanilang delegasyon ay mas malaki ang discount na makukuha nila mula sa official travel agent nila.

Noong nakaraang taon, ang ECY-Philippines delegation ay may mahigit na 400 miyembro, at bawat isa sa mga ito ay gumastos ng halos $2,000 para sa kanilang airfare at registration costs.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply