Pagpatestigo ng DOJ kay Radam, pinalagan

UMALMA ang kampo ni dating Commission on Election (Comelec) Chairman Benjamin Abalos hinggil sa paggigiit ng tagausig na paupuin bilang testigo si dating South Cotabato Election Supervisor Lilian Suan-Radam sa pagpapatuloy kahapon ng paglilitis kaugnay sa kasong electoral sabotage sa Pasay City Regional Trial Court (RTC).

Hinarang ni Atty. Abraham Espejo, abogado ni Abalos, ang pagupo bilang testigo ni Radam sa sala ni Pasay RTC Judge  Eugenio Dela Cruz ng Branch 117 sa paniwalang may resolusyon na ang Comelec En Banc na
nagbabasura sa hirit ng tagausig na alisin siya bilang akusado.

Sa kabila nito, pinahintulutan pa rin ng korte ang pag-upo ni Radam matapos igiit naman ni Atty. Elvira Herrera ng Department of Justice (DoJ) na ang inilabas na resolusyon ng Comelec ay para lamang sa
pagdinig kaugnay sa bail petition ng kampo ni Abalos.

Sa kanyang pag-upo bilang testigo, muling idiniin ni Radam si Abalos nang ihayag na inatasan siya ng regional director ng Comelec na si Michael Abas na tiyakin ang mataas na boto ng Team Unity ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa utos umano ng dating Comelec Chairman. Naganap umano ang utos sa isang pagpupulong sa Afad Restaurant sa General Santos City noong Abril 17, 2007 at muling naulit noong Abril 25.

Iprinisinta rin ni Radam sa korte ang isang jewelry box na yari sa kahoy na umano’y pinaglagyan ng P50,000 cash na iniregalo umano ni Abalos noong magdaos sila ng Christmas party noong taong 2006.

Inalmahan naman ito ni Atty. Espejo at sinabing tsismis o hearsay lamang ang pahayag ni Radam.

Dahil din sa tagal at haba ng testimonya ni Radam, mistulang nainip at nairita si Judge Dela Cruz kaya’t  inatasan na lamang niya ang tagausig na magsumite na lamang ng sinumpaang salaysay upang
mapabilis.

Binigyan ng korte ng limang araw ang tagausig upang isumite ang affidavit ni Radam at bigyan na rin ng kopya ang depensa bago isagawa ang cross examination na itinakda sa Setyembre 26.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply