Pagsasanay laban sa lindol at mapapait na karanasan

MAGANDA ang sinasabi ng Metro Manila Development Authority na dapat magsagawa tayo lahat ng mga pagsasanay laban sa lindol.

Kung kinakailangan ay dapat na madalas kasi makakalimutin ang marami sa atin kung ano-ano ang mga nalalaman natin sa mga pagsasanay.

Huwag nating paabutin na magkandapeste-peste tayo at magkandasira-sira ang lahat ng ating ari-arian bago tayo magkaroon muli ng leksyon sa lindol.

Makatutulong nang malaki ang karanasan din ng ibang mga bansa ukol sa mga lindol at isa ito sa ating ilalahad.

SA COSTA RICA

Nitong nakaraang mga araw, tinamaan ng may lakas na 7.6 na lindol ang bansang Costa Rica.

Halos kasinlakas ng lindol doon ang naganap na lindol sa Eastern Samar kamakailan.

Pero hindi lang ang bansang ito ang tinamaan kundi pati ang mga bansang Panama at Nicaragua.

Kuwento ng mga nasa mga bansang ito, bago at habang lumilindol, umalulong nang todo ang mga aso.

Marami ang tumakbo palabas sa mga eskwelahan at bahay-bahay, kasama na ang

mga hotel at condo para maghanap ng mga ligtas na lugar.

TELEPONO, KURYENTE

Kasunod ng malakas na pagyanig ang pagkaputol ng mga linya ng telepono at kuryente.

Pero naging kapansin-pansin ang pagkatumba ng mga tao sa kanilang paglalakad at pagtakbo. Nahilo sila, mga Bro, sa kalakasan ng lindol.

Sa tulong ng media, lalo na ang mga telebisyon at radio, nagkaroon ng mga balita ukol sa tsunami.

At marami ang nabahala kaya nagmamadali ang mga nasa tabing dagat na lumayas at pumunta sa mga inakala nilang mga ligtas na lugar.

Nga pala, mga Bro, nakatulong nang husto ang pagbabatingting ng kampana ng mga simbahan bilang tulong ng mga pari at madre sa lahat na maging alerto sa oras ng lindol. Sa awa ni Bathala, kakaunti lang ang napinsala mga tao at ari-arian.

SA CHINA

Hanggang sa mga araw na ito, nagkakalkal pa rin ang mga Tsino ng kanilang mga patay makaraan ang 5.6 na lindol na naganap sa Yunnan, Tsina.

Bagama’t mas mahina ang lindol sa bansang ito kumpara sa mga lindol na naganap sa Costa Rica at sa Eastern Samar, nataon na umuulan doon ngayon. Kaya nagkaroon ng mga landslide na ikinasawi ng nasa 80 katao at ikinasugat ng nasa 800 katao.

Inaasahan, mga Bro, lalaki pa ang bilang ng mga biktima sa pagpasok ng mga balita mula sa mga nasalantang lugar at pagpunta roon ng mga search and rescuer.

KURYENTE, TELEPONO

Gaya ng nangyari sa Costa Rica, naputulan din ng linya ng telepono at kuryente ang mga nilindol na lugar sa Tsina. Ito ang isang malaking dahilan kung bakit kakaunti ang mga balita ukol sa mga biktima sa ngayon.

Bukod sa mga namatay, halos isang milyong katao ang naapektuhan at nasa 20,000 kabahayan ang nasira o nagiba.

Nakatatakot isiping baka maulit ang naganap na lindol sa parehong bansa noong 2008 nang tumira ang 7.9 hanggang 8 magnitude na lin-dol sa lalawigan ng Sichuan.

Nasa 87,600 ang namatay noon at ipinaalaala nito ang pagkamatay rin ng nasa 240,000 katao sa lalawigan ng Tangshan noong 1976 nang lumindol sa lakas na 7.8.

BAGUIO CITY AT CABANATUAN

Nang lumindol ng 7.8 sa Rizal, Nueva Ecija noong 1990, nagiba ang maraming gusali sa Cabanatuan City, Nueva Ecija at Baguio City.

May nasawi na 1, 621 ka-tao sa nasabing mga lugar.

Bumitak naman nang napakalalaki ang mga kalsada sa Pangasinan sa may malalaking bitak din Nueva Ecija at Aurora. Pati ilang gusali sa Metro Manila ay naapektuhan din.

Walang makalilimot sa pangyayaring ito dahil kung ilang araw at linggo na nagginapiko at nagginapala ang ating mga search and rescuer sa paghahanap ng mga survivor noon.

MMDA TRAINING

Sa Metro Manila makikita ang pinakamaraming istraktura sa buong bansa at tahanan ng nasa 18 milyong katao.

Nandirito ang maraming mall, condo, bangko, simbahan, city hall, korte, hotel, eskwela, MRT, LRT, paliparan,

sabungan, sports arena o coliseum,

pabrika at marami pang iba.

Ang mga lalawigan ng Bulacan, Rizal, Laguna, Batangas at Cavite ang bumubuo sa Metro Manila bilang Mega Manila at dagsa rin ang mga gusali rito na tinitirhan at pinupuntahan ng milyones ding katao.

Dahil sa mga kalagayang ito, tama lang ang sinasabi ng MMDA na dapat magkaroon ng mga pagsasanay laban sa lindol.

At dapat na isagawa sa lahat ng mga istraktura na tinitirhan at pinupuntahan ng maraming tao.

INSPEKSYON SA ISTRAKTURA

Pero dapat na kasabay ng mga pagsasanay ang masinsinang inspeksyon sa lahat ng mga istraktura.

Sa mga inspeksyon, dapat na isama ang mga istraktura na nababalitaang tinamaan at nag-crack na sa nakaraang mga lindol.

Kasama rin dapat ang mga luma at dinaanan ng sunog.

Tatandaan ding marami sa mga gusali ang dumaan sa mga under the table na inspeksyon.

‘Yun bang === dinaan sa kotong at tongpats ang pag-aapruba sa mga istruktura.

Ang linya ng komunikasyon at kuryente, dapat tiyakin ding maayos.

Kung daraanin ang lahat sa kotong at tongpats ang mga inspeksyon, lintik lang ang walang ganti, mga Bro, kung magkandapeste-peste tayong lahat sa lindol.

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa 09214303333.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply