Palengke, parkingan at katarungan sa Olongapo

LUMANG palengke ang tawag sa West Bajac-Bajac Public Market ng mga taga-Olongapo City.

Kahit makailang ulit magkaroon ng bagong konstruksiyon sa naturang palengke na matatagpuan sa may 23rd St., Bgy. West Bajac-Bajac sa may likuran ng city hall, lumang palengke pa rin ang tawag dito.

Hindi kalayuan sa kanang harap na bahagi ng city hall ay naroon naman ang Olongapo City Public Market na kilalang Bagong Palengke sa may kahabaan ng Rizal Ave.

Ito ang palengke na kahit may limampung taon at sira-sira na ay nananatiling bago sa pangalang Bagong Palengke.

Sa may lumang palengke ang ating isyu sa ngayon.

Ito ang Totoo: problema ang daloy ng trapiko sa lumang palengke dahil bukod sa masikip ang 23rd St. na pinasisikip lalo ng mga panindang sumasakop sa lansangan, dagdag pa ang mga sasakyang nakahambalang at double-parking.

Mistulang walang batas at kanya-kanya na lang lalo na ngayong malapit na ang halalan.

Hindi magalaw ni Mayor Bong Gordon ang mga nagtitindang pasaway, pati na ang mga wala sa lugar na nagpaparada ng sasakyan, dahil sa botong baka mawala ay tulo ang laway na kanyang pinanghihinayangan.

Ang masaklap, itong Justice Hall ng Olongapo na katabi ng Lumang Palengke, kakapiranggot na lang ang parking space, ipinagbawal pa ang pagparada sa kaliwang bahagi kung nakaharap sa gusali.

Bakit? May karinderya kasi na naglatag ng mga mesa at upuan sa dapat sana ay parkingan.

Ito Ang Totoo: malamang may kumikita riyan kaya ang parkingan ng Justice Hall ay pinayagang gawing kainan.

Mukhang maliit na isyu pero gahigante ang sinasalamin nito.

Ito ay nagpapakita lamang ng kawalan ng respeto sa batas at paglapastangan sa karapatan ng kapwa sa mismong dapat sana ay pugad ng katarungan.

Kung walang kinalaman dito ang Executive Judge ng Regional Trial Courts ng Olongapo na si Judge Richard Paradeza, naniniwala tayong madaling mareresolba ang isyu ng parking at karinderya.

Sa bahagi ng pasaway na mga nagtitinda at walang pakundangang mga sasakyang nakaparada, kay Bong Gordon ka pa aasa? Ah, ewan! Ito Ang Totoo!

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply