Panalo si PNoy kina Biazon at Gutierrez

MATAPOS kumpiskahin ang sandamukal na bigas sa Subic ay ang pagpupuslit naman ng mga mamahaling sasakyan ang inatupag ni Customs Commisioner Ruffy Biazon.

Ito ang patunay na talagang hindi titigil ang batang Biazon sa kampanya nito laban sa mga iligalista sa Aduana dahil 6 na negosyante na magpupuslit sana ng 23 mamahaling auto na nagkakahalaga ng P18 milyon ang idinemanda nito sa Department of Justice.

Maging ang kanyang mga tauhan ay nagugulat sa angking sipag ng batang Biazon dahil talagang masigasig ito sa tagubilin ni Pangulong Noynoy Aquino na linisin ang Bureau of Customs sa mga tiwaling tauhan nito na kasabwat ng mga smuggler na i-lang taon na rin namang namamayagpag sa Aduana.

Kasama rin sa agenda ng batang Biazon na magkaroon ng  magandang accomplishment ang BoC araw-araw maging ito man ay sa pamamagitan ng mga pang-huhuli at pagsasampa ng demanda sa mga smuggler at pagpapalago ng koleksyon sa Aduana.

Ganyan kaswerte si PNoy sa pagtatalaga kay Biazon sa Customs dahil bukod sa mabagsik ang kampanya nito laban sa mga tiwaling tauhan ng Aduana ay parami na rin nang parami ang nababawas sa mga dorobo na nag-o-operate sa mga pier sa bansa.

###

Hindi rin matatawaran ang angking dedikasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency boss na si Usec. Jose Gutierrez laban sa pagsawata ng iligal na droga sa bansa.

Katulad ni Biazon ng BoC ay halos araw-araw din ang kampanya ni Gutierrez sa PDEA.

Todo kilos din ang kanyang mga tauhan sa buong bansa dahil mahigpit ang tagubilin niya sa kanyang mga regional officer na double time ang gawing kampanya laban sa ipinagbabawal na gamot.

Katunayan, nito lamang Setyembre 4 ay umabot sa 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P500,000 ang nakumpiska ng PDEA Region 1 sa dalawang babaeng tulak ng shabu sa Dagupan City.

Mabigat ang misyong ito ni Gutierrez pero tiyak na siya’y magtatagumpay dahil maganda ang kanyang intensyon at kakampi niya ang bayan sa pagsawata ng pagkalat ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply