Pangingikil ng P8M, itinanggi ng PDEA chief

PINASINUNGALINGAN kaninang umaga ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Jose Gutierrez ang pangongotong ng P8 milyong sa isang natiklong drug dealer.

Ito’y matapos na akusahan siya ng nasibak na si PDEA deputy director general Carlos Gadapan, na nagsabi na si  Gutierrez at ilan sa mga PDEA agents ay nagsabwatang kikilan ng pera ang isang nadakip na Chinese national na si Mark Tan.

“Hindi totoo iyan. Alam niyo kapag malalaking tao ang nahuhuli kung anu-anong reason ang lumalabas. Binabalikan ka lang,” pahayag ni Gutierrez.

“Sa una pa lang, kung kikikilan mo yan, hindi mo pa-file-an ng kaso itong taong ito. Ito yata iyung nakakulong pa hanggang ngayon. Hindi pwedeng makuhanan mo ng ganyang kalaki pagkatapos kulong pa siya. Merong quid pro quo yan eh,” dagdag pa nito.

Sa ilan sa mga kapanayam, sinabi ni Gadapan na kailangan ni Gutierrez ng pera para ipambayad sa malaking utang ng kanyang misis na may problema sa pagsusugal. Mayroon si Gadapan na testigo na magpapatunay na si  Mrs. Gutierrez ay laging nakikita sa Tropicana Club sa Santa Mesa.

Nang tanungin ang tungkol sa pagkagumon sa sugal ng  kanyang misis, sinabi ni Gutierrez “The issue is something personal, pero iyan pa rin ay patutunayan ko. Malalaman natin. Mabuti at inamin niya (Gadapan) na sa kanya nanggaling. Mayroong lumabas na dalawa, tatlong blind item. Hindi ko na lang kinikibo. Ngayon, inamin niya, then it is my move now.”

Itinanggi ni Gutierrez na ang kanyang asawa ay isang compulsive gambler pero inamin na minsan ay nagpupunta ito sa mga casino kasama ang ilang miyembro  ng Ladies Club.

Sinabi rin nito na umuutang ang kanyag misis para sa business venture, pero hindi para ipangsugal nito.

Sa payanam, sinabi ni Gadapan na handa siyang patunayan ang pagkakasangkot ni Gutierrez at ilang sa mga  PDEA officers sa maanomalyang transaksyon.

Sinabi ni Gadapan na ang operation laban kay Tan noong nakaraang Hulyo 18, ay ikinasa sa kautusan ni   Gutierrez, dahil ilan sa kanyang kapangyarihan ay nawalan ng bisa nitong Hulyo 1.

“Since July 1 wala na akong authority to sign mga pre-ops, tsaka mga coordination. Being the deputy for operations ako po ang nagsa-sign niyan. Usually the targets are foreigners. Tinanggal po iyon ni DG (director general), siya na ang nagsa-sign. So iyang insidente nangyari ng July 18. Therefore, who give the authority?” tanong nito.

Nang tanungin naman kung paano niya maide-detalye ang sinasabing P8 milyon, tumangging sagutin ito ni Gadapan para hindi makaapekto sa Senate investigation na nakatakda sa Lunes  na ipinatawag ni Sen. Tito Sotto.

Sinabi rin ni Gadapan na may mga kongkreto siyang ebidensya para mapatunayan na ang misis ni Gutierrez ay baon sa utang at umabot na sa pag-iisyu ng talbog na tseke na aabot sa P10 milyon sa kanyang pinagkakautangan.

Minsan din na nagtakang utangan siya ni Mrs. Gutierrez na halagang P300,000.”Minsan sasabihin niya, ‘E may pondo ka naman d’yan e.

“‘Yun mahirap kay Sir e. Hindi niya matanggap na ‘yung asawa niya po ay compulsive na sa gambling. Matagal ko na po itong sinasabi sa kanya.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply