Panukala vs early campaigning, suportado ng Simbahan

UMANI ng suporta mula sa mga Obispo ng Simbahang Katoliko ang panukalang batas ni Senador Miriam Defensor-Santiago laban sa early campaigning.

Nabatid na nakasaad sa panukala ni Santiago na pinagbabawalan ang mga pulitiko na magsagawa ng early campaigning o mga advocacy ads sa diyaryo, radyo at telebisyon kung hindi pa panahon ng pangangampanya.

Nakapaloob din sa panukala ang requirement sa mga kandidato na maghain ng “certificate of intent to run for public office” (CIRPO) at ipinagbabawal sa kanila na mag- endorso ng produkto o anumang mga advocacy ads, anim na buwan bago ang deadline of filing ng certificate of candidacy (COC).

Ayon kay Malolos Bishop Jose Oliveros, nakikiisa siya sa hakbang ng Senadora para maiwasan ang maagang pangangampanya at panlalamang ng mga kandidatong may kakayahang magbayad ng advocacy ads.

“Well sa akin, tama lamang yang panukalang batas na yan. Nakikiisa ako diyan dahil para na rin maiwasan itong maagang pangangampanya ng mga pulitiko na nakagawian nila tuwing nalalapit ang eleksyon. Maganda yan at para maiwasan na rin ang early campaigning,” ayon kay Oliveros sa panayam ng church-run Radyo Veritas.

Una na rin namang pinuna ni CBCP-Episcopal Commission on Youth Executive Secretary Fr. Conegundo Garganta ang mga pulitiko na madalas lumabas ngayon sa mga radyo at telebisyon.

Ayon kay Garganta, sa halip na magpa-pogi o magpabango ng pangalan ang mga pulitikong ito ay dapat ibuhos nila ang panahon sa pagtulong sa mga nangangailangan dahil sa laganap na kahirapan sa bansa.

Naniniwala si Garganta na dapat buwagin ang ganitong kultura ng pulitika sa bansa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply