Party-list System Act rerepasuhin ng Comelec

BUMUO na ang Commission on Elections (Comelec) ng isang komite para rebyuhin ang Republic Act No. 7941 o Party-list System Act na kailangang maamiyendahan.

Aminado si Comelec Chairman Sixto Brillantes Jr. na imposible nang maamyendahan ang batas bago ang 2013 elections, kaya’t ang pagrebyu na ginagawa rito ay bilang paghahanda na sa halalan sa taong 2016.

Ayon pa kay Brillantes, ang pag-aayos ng party-list system ang nais niyang maging legasiya na maiiwanan sa poll body.

“We need amendments of the law itself [but] I don’t think we will be able to amend it now,” ani Brillantes.

“We now have a review group to attend to that (Party-list System Act) after 2013 in preparation for 2016,” aniya pa.  “Kahit isang legacy lang may maiwan ako.”

Una nang inilarawan ni Brillantes ang Party-list System bilang isang ‘joke’ o ‘biro’ lamang dahil marami umanong mga grupong nagpapa-accredit na sinasabing marginalized sila ngunit ang kanilang mga nominado o kinatawan ay hindi naman kabilang sa kanilang samahan.

Ipinaliwanag ng poll chief na sa ilalim ng batas, 12 marginalized at underrepresented sectors lamang ang maaaring magkaroon ng congressional representation na kinabibilangan ng labor, peasant, fisherfolk, urban poor, indigenous cultural communities, elderly, handicapped, women, youth, veterans, overseas workers at professionals.

Ngunit sa ngayon aniya ay may mga aplikante na rin na kabilang sa grupo ng mga senior citizens, retirees, anti-drug, anti-crime, former drug addicts at maging school dropouts, na hindi naman kasama sa 12 marginalized at underrepresented sectors.

Sa kasalukuyan ay may 184 party-list groups at 172 aplikante para sa halalan.

Nasa final stage na rin ang Comelec sa pag-screen ng mga party-list applicants at inaasahan nilang matatapos nila ito hanggang sa katapusan ng buwan ng Oktubre.

May 17 samahan na rin silang nadiskuwalipika matapos na hindi maabot ang standard ng party-list groups na itinatakda ng Konstitusyon at ng Party-list System Act.

Patuloy pa rin namang nire-review ng Comelec ang kuwalipikasyon ng iba pang organisasyon na nais makapuwesto sa Kamara, upang maalis na ang mga kahina-hinalang grupo na inorganisa ng mga pulitiko, mayayaman at mga maimpluwensiyang tao para sa kanilang pansariling interes.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply