Permanenteng evacuation sa tuwing may kalamidad, ilatag – Biazon

NANAWAGAN si Muntinlupa Rep. Rodolfo Biazon sa administrasyong Aquino na bumuo ng permanenteng solusyon sa evacuation ng mamamayan sa tuwing may trahedya o kalamidad.

Sa Department of Education budget hearing, sinabi ni Biazon, chairman ng House Committee on National Defense, na hindi maaaring paulit-ulit na gagamitin ang mga silid-aralan bilang evacuation centers dahil nakakadiskaril ito sa pag-aaral ng mga estudyante.

Partikular na pinatutuunan ng pansin ng kongresista ang mga schools sa 17 syudad sa paligid ng Manila Bay na nagsisilbing evacuation centers sa tuwing tumataas ang tubig sa lawa.

Aminado naman si DepEd Secretary Armin Luistro na hindi naka-disenyo para sa pangmatagalang evacuation ang mga eskwelahan pero hindi naman nila maaaring itaboy ang mga evacuee lalo na kung kaligtasan ng mga ito ang nakasalalay.

Kasabay nito, hinimok naman ni Zambales Rep. Milagros Magsaysay ang lahat ng mga pampubliko at pampribadong paaralan sa bansa na regular na magsagawa ng disaster drills.

Ito ay kasunod na rin ng 7.6 magnitude na lindol sa Eastern Samar na puminsala sa ilang parte ng lalawigan at nagbunsod ng tsunami alert at paglikas ng mga tao.

Mahalaga, aniyang, malaman ng mga mag-aaral ang mga kailangang gawin sa oras ng sakuna upang mailigtas ang buhay sa anumang sitwasyon.

Hindi lamang sa lindol ang dapat na ituro kungdi ang mga dapat gawin sa tuwing may sunog, baha at tsunami.

Makabubuti, aniyang, maituro sa mga estudyante habang bata pa ang kahandaan sa anumang uri ng kalamidad lalo na’t kapansin-pansin na rin ang epekto ng climate change sa ating bansa.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply