Pinakamalaking real estate expo gagawin sa Bulacan

LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan, Set 3 (PIA) — Magsasama-sama ang mga kilala at malalaking kontratista ng iba’t ibang kompanya at institusyon na may kaugnayan sa pabahay sa Bulacan sa gaganaping Buildex 2012 mula ika-15 hanggang 17 ng Oktubre.

Isa itong proyekto ng Bulacan Chamber of Commerce and Industry (BCCI) na naglalayong palakasin ang turismo sa lalawigan sa pamamagitan ng pagdadaos ng tinaguriang nilang “Manila standard” exposition.

Partikular dito, mahikayat ang mismong mga Bulakenyo na manirahan at bumili ng sariling bahay sa lalawigan upang patuloy na makalikha ng maraming trabaho sa kapwa Bulakenyo.

Sabi ni Gregoria Simbulan, pangulo ng BCCI, “ito ang kauna-unahan na gaganapin sa Bulacan ang isang eksposisyon na karaniwang sa Metro Manila lang ginaganap. Gusto rin nating ipakilala na ang bentahe ng Bulacan sa turismo ay convention tourism kung saan mahihikayat nating bisitahin tayo ng mga dayo mula sa ibang lugar dahil sa event na ginaganap dito at maaari pang makapag-side trip sa mga makasaysayang lugar at siyempre, makabili ng mga ipinagmamalaking produktong Tatak Bulakenyo.”

Magiging tampok sa Buildex 2012 ang pagsasama-sama ng mga sektor ng subdivision at realty developers, construction at engineering, architectural design, home interiors, furniture at furnishings, landscaping, hardware at supplies at maging mga real estate financing at insurance.

Sinabi ni Simbulan, “Isang pagkakataon din ito na mapalawak ang network sa mga potensiyal na mamumuhunan sa lalawigan at mailapit sa karaniwang Bulakenyo ang mga pagpipilian na makabili ng sariling bahay na abot kaya. Pwede ring magkaroon ng pagsusulong sa mga business partnerships.”

Bukod sa paglalatag ng mga tinda ng sektor ng real properties, magbibigay naman ng libreng konsultasyon ang mga propesyunal sa larangang ito gaya ng mga arkitekto, inhinyero at mga designers.

May mga nakagayak din sa Buildex 2012 na mga lektura at panayam tungkol sa kasalukuyang kalakaran sa real estate at kung paano makakapili ng mataas na kalidad ng materyales sa pagtatayo ng bahay.

Kaugnay nito, may pwesto namang nakalaan sa mga institusyong pabahay na may kinalaman sa pagseguro o insurance at maging mga biyurukrasya na nagkakaloob ng pautang sa pabahay.

Samantala, sa mga nais pang humabol na lumahok sa Buildex 2012 na gaganapin sa Pavillion ng Hiyas ng Bulacan Convention Center sa lungsod ng Malolos, bukas ang tanggapan ng BCCI sa loob ng bakuran ng bulwagang ito mula Lunes hanggang Biyernes.

Maaari ring tawagan sina Nani Mallari at Angeline Saligumba sa numerong (044) 791-2574 at sa 662-1180 o magpadala ng e-mail sa bcci@bulacanchamber.ph

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply