Pinoy HSWs sa Saudi Arabia mas mapoprotektahan na – DOLE

NANINIWALA ang Department of Labor and Employment (DOLE) na mas mabibigyan na ng proteksyon ang kapakanan ng mga Pilipinong household service workers (HSWs) sa Saudi Arabia.

Ito’y matapos magkasundo ang Saudi Arabia at Pilipinas sa isang bagong Standard Employment Contract (SEC) na naglalaman ng mga matitibay na garantiya para maprotektahan ang mga HSW.

Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, sa ilalim ng bagong SEC, malinaw na inilalatag ang probisyon tungkol sa sumusunod

– Sahod ng Pilipinong kasambahay na ang minimum ay 400 dolyar;
– Paraan ng pagpapasahod na gagawin sa pamamagitan ng bank account sa Saudi na bubuksan ng employer;
– Walong oras na tuluy-tuloy na pahinga;
– Isang araw na pahinga kada isang linggo;
– May bayad na pagbabakasyon sa Pilipinas kung saan ang kasambahay ay bibigyan ng tatlumpung araw na bakasyon sa bawat dalawang taon ng paglilingkod na may kasamang libreng round-trip economy class air ticket.

Salig pa sa bagong SEC, obligado ang mga employer na bigyan ng mga HSW ng nararapat at malinis na lugar na pahingahan, sapat na pagkain, payagang makapagpahinga kung maysakit at gastusan ang pagpapagamot.

Kailangan ding maglaan ang employer ng libreng transportasyon mula sa Pilipinas at pabalik sa oras na matapos ang dalawang taong kontrata ng HSW; tiyakin ang napapanahong pagbabalik sa bansa, kasama rito kung sakaling hindi na makapagtrabaho ang HSW na hindi naman siya ang may kadahilanan o may sala.

Kung ang HSW ay binawian ng buhay, obligado ang employer na ipadala sa Pilipinas ang labi nito pati na rin ang kanyang mga pag-aari sa lalong madaling panahon. Sa panahong pumutok ang isang digmaan, kaguluhan, o kalamidad, o kung magkaroon ng malubhang karamdaman o pinsala sa katawan bunga ng kanyang pagtatrabaho, at napatunayang hindi na niya matatapos ang kanyang kontrata dahil sa kanyang sitwasyon, obligasyon ng employer na gastusan ang pag-uwi nito sa Pinas.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply