Pinoy paddlers lumulutang sa Milan

RUMARATSADA sa tagumpay ang Philippine paddlers matapos pagbidahan ang all-men, small boat 2,000 meter event sa World Dragon Boat Championships sa Idroscalo water sports club sa Milan.

Dahil sa tagumpay ay nagugulat tuloy ang mga Pinoy sa kahanga-hangang resulta ng kanilang laban sa event na hindi nila inaasahang mapagwawagian kontra sa matitikas na European teams, patunay na ang pagkakaroon ng palaban na puso at may mataas na morale ay matibay na puhunan sa tagumpay.

“We were really more concerned with the qualifying runs in the 200 meter races.  But since we were first in the order of release, we decided to join,” pahayag ni head coach Len Escollante.

Sumirit ang RP boys sa oras na 9:35.488 upang ibigay sa bansa ang ikatlong gintong medalya sa torneo na inorganisa ng International Canoeing Federation (ICF) – ang tanging world governing body sa dragon boat na kinikilala ng International Olympic Committee (IOC).

Ginapi ng Pinoy ang Swiss team na dumating sa finish line sa oras na 9:41.814, habang nakopo ng Germany ang bronze medal sa oras na 9:43.054, gabuhok lamang layo sa Russia (9:43.774).

Buo ang tiwala ng 10 Filipino paddlers na madudugtungan ang kanilang dominasyon sa pagsabak nila sa all men small boat semi-final 200 meter distance, gayundin sa 20 mixed at  10 mixed of the 200 races na gaganapin sa Linggo (Lunes sa Manila).

Kung hindi magbabago ang ihip ng kapalaran ng Pinoy, maitatala ng Team Philippines ang sweep sa pitong event na lalahukan sa 14-team tournament na bahagi ng paghahanda ng ICF para sa kampanya nito na maging demonstration sports ang dragon boat sa 2016 Olympics sa Rio de Janiero, Brazil.

“Ok lang yon, kasi handa naman ang mga bata,” pahayag ni Escollante.  “We have been so blessed and this is not only for our countrymen but also for the POC and the PSC that invested their trust on the PCKF,” aniya.

Ang koponang ipinadala rito ay pawang miyembro ng Philippine Canoe/Kayak Federation na siyang kinikilalang asosasyon sa dragon boat ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission.

Sinabi ni PCKF Secretary-General Jonne Go, kabilang sa nakibaka para makamit ang tunay na reporma sa sports na isinulong ni PCKF president Dr. Sim Chi Tat, na ang tagumpay ng Pinoy ay patunay sa pagiging world-class ng ating mga atleta na hindi na kayang sindakin ng mga matitikas na European at Asian teams.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply