PNoy: I am for peace

PANAHON na upang isantabi ang tunggalian sa ideolohiya, paniniwala, o relihiyon.

Ito ang sinabi ni Pangulong Benigno Aquino III sa paglulunsad ng kampanyang “I am for Peace” sa Bulwagang Rizal, Malakanyang.

‘Ito ang dahilan kung bakit nagbuklod sa araw na ito, sa kabila ng magkakaibang larangan, prinsipyo, o kaisipan, nagkakaisa tayong tumataya upang manaig ang kapayapaan, at ipagsigawan sa bawat sulok ng ating bayan na “I am for Peace,”ayon kay Pangulong Aquino.

Sinabi pa rin niya na walang sinumang magulang Muslim , Lumad, o Kristiyano, panig man sa kung anong ideolohiya, o nagtitiwala sa gobyerno ang nanaising magpalaki sa kaniyang anak sa isang bansang may mantsa ng kaliwa’t kanang bakbakan.

Kung nais, aniya, talaga ng lahat na maghilom na ang mga sugat ng madugong engkuwentro’t digmaan, at mabura na ang pilat ng negatibismo’t agam-agam sa  lipunan.

“Ngayong nagsisimula na ang pagsasakatuparan nito, tiyak na ang sasalubong sa susunod na salinlahi ay isang bagong umaga, kung saan hindi ang pagsabog ng kanyon, o ang amoy ng pulbura ang araw-araw na gugulantang sa kanila. Sa halip, gigising sila sa tilaok ng manok, sa bango ng kape’t bagong-lutong almusal, at sa mainit na yakap ng kanilang magulang bawat umaga. Kaya natin itong marating, at makakaasa kayong gagawin ko ang lahat para matupad ang mga ito. At mapapabilis itong makamit kung nagkakaisa tayo tungo sa mas tahimik na bansa. Tara, samahan ninyo ako: ihatid natin sa mas mapayapang bukas ang bawat Pilipino,” ani Aquino.

“Ito mismo ang gusto nating baguhin. Ang bukal ng lahat ng inisyatibang ito: tigil-putukan. Ang hangad natin: kasunduan. Ang layunin natin: ang pagputol sa siklo ng karahasan, kawalang-pag-asa, at kahirapan. Dahil bukod sa kapayapaan, gusto rin nating tiyakin sa susunod na salinlahi na may mamanahin silang maayos na paaralan, malinis na ospital, disenteng kabuhayan, patas na katarungan, respeto sa kultura’t kasaysayan, at pagkakataon para sa lahat,” diing pahayag ng Punong Ehekutibo.

Sinabi pa rin niya na isa sa pinakakaraniwan at pamilyar na salita ang kapayapaan.

Aniya, bawat prinsipyo,  bawat hangaring nakalimbag sa konstitusyon ng bawat bansa sa daigdig—anumang uri ng gobyerno ay naghahangad na makamit ito.

Ang nakapagtataka, aniya, ay palaging may hindi nagkakasundo; hindi pa rin nauubos ang mga nagtatalo; hindi pa rin nauubos ang nagpapasiklaban sa kung anong ruta ang pinakamainam na tahakin. Pero oras na tinanong mo kung ano talaga ang gusto nilang mangyari; kung ano ang nais nilang maatim, iisa at nagtutugma naman palagi ang kanilang sagot: kapayapaan.

“Ang tanong ngayon: Bakit ba napakailap nito? Bakit ba sa tuwing sa tingin natin ay abot-kamay na ang kapayapaan, saka naman kinakaladkad ito palayo ng panibagong sigalot? Nakakalungkot mang aminin, hawak po ng Pilipinas ang “World’s longest-running communist insurgency.”

Apatnapu’t dalawang taon na po ito. Ibig sabihin, sa loob ng mahigit apat na dekada, wala pa ring napapanday na pinal na kasunduan ang pamahalaan at ang grupo ng mga rebeldeng komunista. Ibig pong sabihin, may halos dalawang henerasyon ng mga Pilipino ang nabigo nating handugan ng payapang pamumuhay. Ang tanong: Bakit? Dahil sa halip na makipag-ugnayan, pinipili ng ilang makipagbangayan. Napako tayo sa nagtutunggaling kaisipan at armadong hidwaan. Ang nakakalungkot, tila ang dami ng mga nabalam na negosasyon at natisod na ugnayan ay siya ring bilang ng mga inosenteng Pilipinong nadadamay sa mga digmaan,” ang pahayag ng Pangulong Aquino.

Sinabi pa ng Pangulong Aquino na naiintindihan niya ang ugat nito.

May ilan aniyang pinili na lamang mamuhay sa anino ng takot at karahasan. May iba aniyang sumuko at manhid na sa dating mapanlinlang na sistema, habang ang iba naman aniya ay namulat na sa kultura’t ideolohiya ng armadong pakikibaka.

Gayumpaman, ang mga ito, aniya, ay naghahangad din ng katahimikan, at nagtatanong din sa kanilang sarili kung kailan matatapos ang madugong bangayan at ilang bangkay pa ang kailangang paglamayan bago manahimik ang mga armas. Kahit ano pa, aniyang, sukatan ang gamitin ay walang napala sa mga walang-katuturang bakbakan.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply