PNP scams tuloy-tuloy at suwerte sa baha

AKALA ko ba, eh, ayos na ang buto-buto sa Philippine National Police.

‘Yun bang === matuwid na ang landas nito dahil matuwid na nga umano ang pamahalaan.

Pero lumalabas na tuloy-tuloy ang kabulukan o liko-liko pa rin ang landas nito.

HELICOPTER SCAM

Nitong nakaraang panahon, isa sa mga nagsilbing mitsa ng pagbagsak ng Arroyo government ang mga malalaking scam sa pulisya.

Kabilang sa mga scam ang pagbili ng mga heneral ng pulisya ng bagong luma na helikopter mula sa pamilyang Arroyo.

Pininturahan lang ang helikopter at nagmukhang bago, binili na ng mga parak ang mga ito sa presyong para sa bago.

Kaya mahal o nagkaroon ng overpricing at malaki ang ibinayad dito mula sa mahigit P104 milyon para sana sa tatlong helicopter.

Ang masama, dahil luma, walang nakatitiyak kung ang mga helicopter ay maituturing nang lumilipad na kabaong.

Ang PNP chief noon at ilang heneral at kernel ang nasangkot dito.

EURO GENERALS

Isang scam din ang kinasangkutan ng anim na heneral ng PNP, kabilang pa rin ang PNP chief.

Hinuli sa Russia ang may dala-dalang 105,000 euro na heneral.

Baon daw ng mga heneral ang malaking halaga sa kanilang pagdalo sa international police conference sa Moscow.

Nang maimbestigahan ang mga ito, nalito ang mga imbestigador dahil sinabing galing umano ang salapi sa pribadong pondo habang sinasabi naman ng iba na galing ito sa alkansya ng PNP.

OMBUDSMAN, SANDIGANBAYAN

Ngayon ay nasa Office of the Ombudsman ang mga kaso ng mga heneral.

At naisampa na rin ang mga kaso sa hukuman ng Sandiganbayan.

Hindi lang natin alam kung ano na ang nagaganap dito dahil tahimik na tahimik ngayon ang Ombudsman at Sandiganbayan sa mga kasong ito.

Wala nang gaanong nag-iingay dahil wala na sina Aling Gloria at ex-Chief Justice Renato Puno na target ng mga paninira gamit ang nasabing mga scam.

SCAM SA BARIL

Ngayon naman ay sumasabog ang P1 bilyon scam sa baril ng PNP.

Halos 60,000 na baril na pistola para sa mga pulis ang binabalot daw umano ng kalokohan.

Pero ang nakaloloko rito, mas mataas sa pulisya ang sangkot dito at isang mataas na opisyal ng Department of the Interior and Local Government.

Inaprubahan umano ang kontrata sa pagbili ng baril isang araw bago umupo ang bagong DILG secretary na si Mar Roxas.

Tila minadali umano ito at hindi na inantay si Roxas na tumingin sa kontrata.

Dumaan naman umano ang lahat sa maayos na pasubasta. Hehehe!

NAUNA SA APPROVAL

Malinis at maayos nga ang pagpapasubasta.

Pero ano itong lumalabas na report na bago pa man maaprubahan ang kontrata, dumating na sa bansa ang mga pistola?

Done deal na ang kontrata bago pa nagkaroon ng pasubasta?

Sabi ng ating Uzi, dapat magpaliwanag ang dapat na magpaliwanag.

ISKAM SA RIFLE

Nasa P300 milyon naman, mga Bro, halaga ng pambili ng nasa 1,800 na assault rifle ng mga pulis.

Pero pinahinto mismo ni Pangulong Noynoy ang pagbili rito.

Kasi naman, habang nagtatagal ang mata ni PNoy sa internet, pababa nang pababa ang presyo ng mga riple mula sa P80,000 sa P40,000.

Eh ginusto yata ng PNP na bilhin ang mga rifle sa halagang P80,000.

May overpricing?

Nanggaling din mismo sa DILG ang may gawa umano sa mga ito.

Sino-sino sila, huh?

Anak ng tokwa, kung bakit kasi namatay si Sec. Jesse Robredo na nagpasimula yata ng imbestigasyon dito.

Matanong ko nga pala, may kaugnayan ba ang mga milagrong ito sa paggusto ng mga taga-DILG na “guwardiyahan” ng mga suspek sa mga scam ang mga papeles na hawak ni Robredo?

Sino-sinong mga heneral ng pulisya naman ang sangkot sa mga scam sa baril?

Diyos na mahabagin!

TULOY ANG LIGAYA

Lumalabas na tuloy ang ligaya ng mga animal na korap diyan sa pamahalaan ay tuloy-tuloy.

MATUWID NA DAAN?

Tell it to the marines, sabi ng marami.

O Pangulong Noynoy, bantayan mo ang mga nakapaligid sa iyo.

Baka kung malingat kayo ay bigla na lang lumagapak ang mataas ninyong grado sa kumpiyansa ng mamamayan bilang lider ng bansa.

May mga KKK na sumasaksak, pumipistola at rumiriple sa inyong likod.

SUWERTE SA BAHA

Kahit kaunti ang ulan, grabe ang trapik kamakalawa ng gabi sa Metro Manila.

Nagsara ang mga kalsadang dinaraanan ng mga cargo truck at nadamay na ang lahat.

Sa Manila at Quezon City naganap ang mga trapik na nakaapekto na rin sa malawak na bahagi ng Kamaynilaan.

Milyong mamamayan ang naperhuwisyo rito, kabilang na ang libo-libong estudyante sa University Belt sa Maynila.

Sa University of Sto. Tomas nga lang, maraming estudyante rito ang hindi na umuwi at natulog na lang sa school.

Pero suwerte pa rin tayo kung ihahambing natin sa nangyari sa Vietnam at Pakistan.

Marami ang namatay sa mga bansang ito dahil sa mga flashflood na katulad ng flashflood na nangyari kamakalawa ng gabi. Whew!

oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa  www.remate.ph o i-text sa 09214303333. 

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply