Posters ng ‘epal’ ground for disqualification

POSIBLE pa ring gawing batayan ng disqualification ang pagkakabit ng mga ‘epal’ poster ng mga pulitiko.

Ayon sa isang kilalang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal, ang pagkakabit ng mga epal poster o mga political campaign material ay maaring humantong sa disqualification ng taong nagkabit o nasa likod ng pagpapakalat nito sakaling magdesisyon silang kumandidato sa May 2013 elections.

Paliwanag ni Macalintal, sinumang concerned citizen na makapagpapatunay na siya ay nakaramdam ng hindi makatwirang pagkairita dahil sa mga nasabing poster ay maaring maghain ng kriminal na kasong unjust vexation.

Sa ilalim ng Article 287 ng Revised Penal Code, ang nasabing paglabag ay may katapat na parusa na isa hanggang 30 araw na pagkabilanggo.

Maari din umanong maipagharap ang mga nasabing pulitiko ng paglabag sa Republic Act 9003 o Anti Littering Law lalu pa’t mula pa noong September 16, 2010 ay ipinagbabawal na ng MMDA ang pagkakabit ng mga poster, billboard o anumang signage nang walang permiso mula sa lokal na pamahalaan.

Sakali umanong mahatulan sa mga nasabing paglabag ang mga epal na pulitiko, disqualified na sila sa pagtakbo sa eleksyon dahil sa ilalim ng Section 12 Omnibus Election Code, sinumang nahatulan sa isang krimen na may kinalaman sa moral turpitude ay disqualified nang kumandidato o humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Tinukoy pa ni Macalintal na sa kontekstong ligal, ang moral turpitude ay mga bagay na taliwas sa hustisya, mabuting gawa at pagiging tapat.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply