Protesta ng mga maralita sa TriNoma Mall, nagdulot ng tensyon

NAGSAGAWA ng kilos protesta kaninang tanghali ang 30 residente ng North Triangle na kabilang sa mga idedemolis  sa harapan ng isang mall na pag-aari ng mga Ayala sa lungsod bago sumugod sa Quezon City Hall .

Ito’y kasunod ng bantang demolisyon sa lugar sa susunod na linggo  upang bigyang daan ang pagtatayo ng Vertis-North, pinagsamang proyekto sa pagitan ng National Housing Authority at Ayala Land, Inc. (ALI) na nakapaloob sa Quezon City Central Business District (QCCBD).

Nagkaroon ng tensiyon ng tangkang pasukin ng mga raliyista na kinabibilangan ng grupong September 23 Movement, Anakpawis Agham Chapter at Kadamay-North Triangle ang guwardiyadong lugar na tumagal ng halos 10 minutong komosyon sa main entrance ng TriNoma mall  sa Edsa .

Pinagbabato ng pintura ng mga nagrarally  ang malaking logo ng TriNoma  at malaking advertisement poster ng Vertis North na nasa bahagi ng North Avenue .

Ayon kay  Ricky Indecio, vice chair ng  September 23 Movement, mariin aniyang tinututulan ng mga  residente ng  Sitio San Roque sa North Triangle  ang pagtatayo ng proyekto ng ALI’s Vertis North, isang business complex na nagkakahalaga ng  P65 billion na itatayo sa  29 ektaryang lupa na katabi lamang ng TriNoma mall.

Matatandaang  nagawang mawalis ng mga awtoridad  ang mga informal settlers  na nasa EDSA North Triangle noong June upang bigyang daan ang konstruksiyon ng Vertis North.

Noon lamang nakaraang linggo ay nakatanggap ng eviction notices ang mga residente sa EDSA  galing sa tanggapan ni Taddy Palma, head ng Task Force for the Control and Prevention of Illegal Structures and Squatting (TF COPRISS) na nasa ilalim ng tanggapan ng Alkalde at binigyan sila ng hanggang September 30 taning para alisin ang kanilang mga bahay .

Samantalang nagpalabas naman ng kautusan ang lokal na pamahalaan ng Rodriguez noong Sept. 17  na nagbabawal sa relokasyon ng mga informal settlers sa binabahang lugar sa  Kasiglahan Village sa Rodriguez (Montalban), Rizal.

Dahil dito sinasabi ng mga residente na iligal ang demolisyon kung kaya nakatakda silang magsagawa ng barikada sa Oktubre 1 sa itinakdang deadline ng TF COPRISS sa katapusan ng Setyembre .

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply