Publiko pinag-iingat ng DoH vs killer dengue

DAHIL sa mga nararanasang pag-ulan ngayong Setyembre, mahigpit na nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na maging maingat at alerto laban sa sakit na dengue.

Ayon kay Health Secretary Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center (NEC), ang Setyembre ay itinuturing na dengue month kaya’t inaasahan nang lalo pang darami ang mga mabibiktima ng dengue lalo na’t nag-uuulan na naman.

Payo pa ni Tayag, mas makabubuti kung hanapin at tanggalin na ng mga residente ang lahat ng mga pinamumugaran ng mga lamok tulad ng mga gulong at mga flower vase.

“Ngayong September, dengue month, umuulan-ulan na naman, maging maingat at alerto po tayo. Hanapan at tanggalin ang mga pinamumugaran ng lamok,” ani Tayag.

Sinabi pa ni Tayag na dapat na maging vigilante ang mga magulang at patuloy na i-monitor ang kondisyon ng kanilang mga anak, partikular na umano kung nawala na ang lagnat ng mga ito matapos ang dalawa hanggang tatlong araw.

Aniya, kapag nakitang nawalan ng lagnat ang bata ngunit matamlay pa rin ito ay mas makabubuti kung kaagad na itong dadalhin sa doctor dahil posibleng dengue na ang sakit ng bata.

“Kapag ang bata ay nilagnat tapos nawala ang lagnat o bumaba ang lagnat after 2-3 days at nakita nyo na naging matamlay, nanghihina at walang gana, dalhin agad sa ospital dahil baka dengue ito,” ayon pa sa health official.

Kaugnay nito, sinabi ni Tayag na batay sa pinakahuling data ng DOH, mayroon nang 95,142 kaso ng dengue na naitala mula Enero hanggang Setyembre 2012.

Mas mataas umano ang naturang kaso ng 13% kumpara sa 84,244 cases na naitala noong nakaraang taon.

Mas mataas rin ang dengue deaths na naitala nila na umabot na ngayong Setyembre ng 549 kumpara sa 486 lamang sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.

Karamihan sa dengue cases ay naitala sa Metro Manila (19,602), Central Luzon (14,791) at Southern Luzon (14,417).

Ani Tayag, bumilis ang pag-akyat ng mga dengue cases mula buwan ng Hulyo hanggang ngayong Setyembre at posible aniyang isa sa mga naging dahilan nang pagdami ng mga nagkakasakit ay ang monsoon rains na nagdulot ng pagbaha sa Luzon nitong Agosto.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply