Puno pinagpapaliwanag sa P1-B PNP gun deal

ISINULONG ni AGHAM partylist Rep. Angelo Palmones ang imbestigasyon para sa umano’y P1 bilyon  bidding ng mga baril na pinasok ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Ito ay sa pamamagitan ng inihain na House Resolution 2598 nina Palmones at Antipolo Rep. Romeo Acop na pangunahing kinukwestyon ang diumano’y pagpasok sa mabilis na paraan ng Trust Trade and Partner Glock, Asia Pacific Limited sa bansa ang 28,000 piraso ng glock caliber 9-millimeter pistol mula sa United States noong Setyembre 4 sa Manila South Harbour.

Ang ipinagtataka ng dalawang kongresista ay bakit napakabilis ng proseso gayung nai-award lamang umano ang kontrata noong Agosto 4 o apat na araw matapos maibigay ang notice of award sa nasabing kompanya.

Nangangahulugan ayon kay Palmones na hindi pa man naia-award ang kontrata ay pino-proseso na ang bidding at ibinibiyahe na sa Pilipinas ang mga baril na ang ibig sabihin ay tiyak ng mapupunta sa Trust Trade ang kontrata.

Giit pa ng mga kongresista na kahit sabihin pang makakatipid ang pamahalaan sa deal na ito ay marami pa rin ang reklamong pumasok mula sa mga suppliers at mga bidders na inililihis ang batas.

Ang Trust Trade, ang pangawala sa pinakamababang bidder na nagsu-supply ng 9mm glock 17-generation 4 guns na nagkakahalaga ng P16,659.75 kada isa o kabuuang P997,997,045.76.

Ang pinakamababang bidder naman na Joint Venture sa pagitan ng Israeli Military Industries (IMI) at trader Reynaldo Espineli, na unang nanalo sa bidding na may pinakamababang alok na P16,254 kada isang baril o kabuuang P973,679,616 para sa 59,904 piraso ng 9mm ay hindi naman ito kumpleto sa papeles.

Nais ni Palmones na magpaliwanag si DILG Undersecretary Rico Puno dahil na rin sa timing na anunsiyo ng approval ng kontrata noong Agosto 31, mismong araw ng pagtatalaga ng pangulo kay Secretary Mar Roxas.

Ayon kay Palmones matagal na niyang pinaimbestigahan ang usaping ito na diumano’y kinasasangkutan ni Puno at bahagi na umano ito ng pag-iimbestiga ni dating DILG Secretary Jesse Robredo bago ito nasawi sa plane crash noong Agosto 18.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply