Puno’t dulo ng gulo

HINDI na raw malamang bigyan ng posisyon si Rico Puno sa gabinete ni Noynoy Aquino. Sa gitna ng gulo at intriga na bumabalot sa napakasikretibong alalay ni Noynoy, napag-isipan ng mga propagandista ni Noynoy na ipakalat ang balitang ito. Nasabi ito ng Free Spits dahil sa track record ni Noynoy Aquino, walang totoo sa mga sibakan sa administrasyon niya hanggang hindi siya ang nagsasabi nito.

Ilang beses nang nabiktima sina Edwin Lacierda, Abigail Valte at Ricky Carandang ng ganitong sitwasyon kaya medyo hindi na tayo bilib sa mga propaganda statements hanggang hindi si Noynoy ang pinanggalingan.

Ilang beses na ring napabalita na sisibakin na si Rico Puno pero wa-lang nangyari sa kanya. Nitong huli, mismong si Aquino pa ang “to the rescue” kay Puno ng aminin nito na siya nga ang nag-utos na puntahan ang opisina ni yumaong Secretary Jesse Robredo.

Ang sigurado lang sa lahat ng ito, ayaw ni Mar Roxas kay Puno dahil hindi niya kilala ang karakas ng isang ito. Malalim kumilos si Puno, mahusay sa midnight actions at mabilis gumawa ng paraan pag may gusto si Noynoy. In fact, isa ito sa mga dahilan kung bakit naging matalik na kaibigan ni Noynoy si Puno.

Ang balitang hindi na malamang umupo sa gabinete si Puno ay nakikita ko bilang isang pamatay-sunog sa napakainit na isyu laban sa barkada ng Pangulo na sangkot sa jueteng at maanomalyang bilihan ng baril sa PNP. Nakagugulat mang isipin, pero di ba ito rin ang naging problema noong panahon ni Erap? Magkakampi ngayon itong dalawa at marami sa barkada ni Erap ang kasama ngayon ni Noynoy. jueteng at ang sigalot ng Kuratong Baleleng ang nagpabagsak kay Erap noon. Jueteng at PNP na naman ang problema ni Noynoy ngayon.

Parehong hindi mahilig sa trabaho ang dalawa. Tanghali na magsimulang magtrabaho at parehong mas gusto pa ang bisyo kaysa anomang bagay. Pareho ding kilalang hindi naglalaglag ng kaibigan si Noynoy at Erap.

Si Erap, napilitang ilaglag si Chavit Singson na siyang nagsimula ng kanyang pagbagsak. Si Rico Puno ay sinasabing ilalaglag na raw ni Noynoy kung maniniwala tayo sa propaganda. Kung mangyari ito, si Rico Puno rin kaya ang magiging Chavit ni Noynoy?

Maraming sikreto si Rico Puno tungkol kay Noynoy Aquino. Pag dumating kaya ang oras ng ipitan, totoong kaibigan pa rin kaya si Rico Puno? O siya na ang puno’t dulo ng gulo sa buhay ni Aquino?

React at ira_p@hotmail.com

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply