QC, epal capital ng Pinas

MABUTI naman at muling nabuhay ang panawagan ni Sen. Miriam Santiago laban sa mga politiko na sobrang mapapel at walang ginawa kundi ipagbuyangyangan sa bawat poste at kanto ng kalsada ang kanilang mga mukha at mga pangalan.

Ang tawag sa mga ganoong klaseng pulitiko ay ma-epal na slang ng mapapel kaya naman tinawag ni Miriam ang panukalang batas niya na Anti-Epal Bill.

Layunin ng batas ni Miriam na parusahan at pagmultahin ang sinomang politiko na mapatutunayang gumagamit ng pondo ng pamahalaan para umepal.

Taga Quezon City kasi si Miriam at maaring nasusuka na siya dahil sa araw-araw na lalabas siya ng bahay ay walang katapusang mga tarpaulin ng mga epal na politiko ang nakikita niya.

Siguro naman ay walang kokontra sa akin kung sabihin ko na puwedeng tawaging Epal capital ng Pinas ang QC.

Bakit kanyo?

Aba eh wala yatang waiting shed, kanto, poste at maging mga punong kahoy na nasa tabi ng kalsada ang makikita mo na walang nakasabit na mga tarpaulin.

Kahit anong oras at araw na umikot ka sa lugar ay makikita mo ang mga mukha ng mga (ku), este, epal na pulitiko na gaya ni Mayor Herbert Bautista at Vice Mayor Joy Belmonte.

Makikita rin ang napakaraming tarpaulin ng mga konsehal at konsehala gaya nina Precious Hipolito Castelo, Alfred Vargas, Candy Medina, Aly Medalla, Godie Liban, Winnie Castelo at napakarami pang ibang (ku), este, epal pala.

Hindi pa natin isinama riyan ang mga kongresista sa lungsod na talaga namang lahat ay puro mae-epal na kahit simpleng mga pagdiriwang lang ay ginagawang dahilan para maka-epal lang.

Alam ko na malaki at umaabot pa nga sa milyon ang inilalaang budget ng mga epal na iyan sa kanilang kampanya para magyabang.

Mas mabuti siguro keysa sa ipagbuyangyangan nila ang kanilang mga mukha sa publiko, ay ilaan nila ang pera nila sa mga programang magiging kapaki-pakinabang para sa mga mahihirap nilang nasasakupan.

Kaya naman natutuwa ako na nitong mga nakaraang araw ay muling nabuhay ang anti-epal campaign at sana naman ay mahiya na ang mga epal na ito at kusa na silang magbago at tanggalin na nila ang kanilang mga tarpaulin.

Gaya ni Sen. Miriam ay nasusuka na rin kasi ang ating mga kababayan at kasama na ako doon.

loading...

About Girlie

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply