Rep. Rodriguez ‘di kakastiguhin sa pagwawala sa plenaryo

WALANG balak ang liderato ng Kamara na kastiguhin o patawan ng disciplinary action si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez matapos itong magwala sa plenaryo kahapon (Setyembre 4).

Galit na nagsisigaw si Rodriguez sa plenaryo at kinuwestyon ang korum nang tangkang mag-privilege speech si Pangasinan Rep. Carmen “Kimy” Cojuangco na isa sa mga nagsusulong ng Reproductive Health bill.

Ikinatuwiran ni Rodriguez na hindi maaaring magsagawa ng anomang transaksyon sa Kamara dahil hindi sapat ang bilang ng mga mambabatas para magkaroon ng quorum.

Subalit agad namang nagpaliwanag si House Majority Leader Neptali Gonzales II na bagama’t dismayado sila at labag sa rules ng Kamara ang ginawa ni Rodriguez ay wala na silang balak na patulan pa ito.

Ani Gonzales, bahagi lang ito ng delaying tactics para pigilan ang pagsulong ng amendments sa RH bill.

Ngunit nagbanta si Gonzales na oras na matapos ang trabaho ng technical working group na bumubuo ng amyenda, iraratsada nila ang RH bill dahil naikonsulta na ito sa lahat ng lider ng partido tutol man o pabor sa panukalang batas.

Aniya, binuo ang TWG na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa Kamara, Senado at ehekutibo gayundin ang iba’t ibang grupo na tutol gaya ng CBCP at ng mga pabor sa panukala.

Layunin nito na plantsahin ang mga magkakasalungat na posisyon sa RH bill.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply