Residente ng Guatemala Compound tinaningan na

BINIGYAN ng Makati City government ng hanggang bukas, Biyernes, ang mga residente ng Guatemala Compound sa Brgy. San Isidro sa naturang lungsod para lisanin na ang kanilang lugar.

Kaugnay ito nang naka ambang demolisyon muli sa Guatemala Compound na pinaplanong pagtayuan ng Sports Complex ng lokal na pamahalaan.

Una na nang nag-alok ng tatlong option ang Makati City government sa mga apektadong residente at kabilang na rito ang P24,000 financial assistance at relokasyon sa Calauan, Laguna.

Matapos ang magulong demolisyon sa Guatemala compound sa Barangay San Isidro sa Makati City noong Lunes, mahigpit nang binabantayan ng mga awtoridad ang lugar upang iwasan ang pagsiklab muli ng kaguluhan.

Partikular na binabantayan ng mga security guad sa lugar na hindi makapagtatayo muli ang mga informal settler ng mga bagong tirahan doon.

Sa gitna ng tensyon, pinapayagan pa rin ng mga lokal na opisyal ang mga dating residente na magpalipas ng gabi sa gilid ng kalye.

Noong nakaraang Martes, inihayag ng mga pulis ng lungsod ng Makati ang plano nilang paghahain ng reklamo laban sa walong taong sangkot umano sa marahas na demolisyon noong nakaraang Lunes.

Inihayag ni City Police Chief Senior Superintendent Manuel Lukban na kabilang ang mga reklamong malicious mischief at direct assault on persons in authority sa kanilang ihahain sa prosecutor’s office laban
sa mga sangkot.

Kabilang sa  sasampahan  ng kaso ay si Guatemala Neighborhood Association president Lino Ojos.

Ayon sa ulat ng lokal na pamahalaan ng Makati, mahigit 27 katao ang sugatan, kabilang na ang 13 pulis, 11 tauhan ng City Engineering Department, isang public safety officer (MAPSA), at dalawang residente
ng Guatemala.

Maliban nito, napinsala rin ang ilang sasakyan at kagamitan ng gobyerno, kabilang na ang mga patrol car, fire trucks at police shields.

Samantala, ipinagpapatuloy pa rin ang paglilinis sa lugar, na nagkalat ang mga basura at guho ng mga tirahang giniba sa loob ng compound.

Kasalakuyan namang nangangalap ang mga residente ng mga materyales na maaari nilang magamit sa pagtatayo ng kanilang mga bagong tirahan.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply