Rich congressman at ang ‘grandmother of all scams’

SINO ba itong kongresman na umaktong ahente ng dalawang higante ngunit dayuhang kompanya na gustong kumorner sa President’s Bridge Program o PBP?

Ito ‘yung kongresman na panay ang banat o paninira sa isang kompanyang British noong nakaraang administrasyon para makorner ng kanyang dalawang kompanya ang multi-bilyong halaga ng mga proyekto sa ilalim ng PBP.

Gayundin ang mga proyektong sa Greater Maritime Access o GMA.

Grandmother of all scams

Pero ngayon, sakit sa ulo ang inaabot ng kongresman dahil sa sinabi ni Senador Serge Osmeña na sangkot ang dalawa niyang kompanya sa anomalya at tinawag pa na “grandmother of all scams” ito.

Binubuo ang mga proyekto sa ilalim ng PBP ng paggawa ng mga tulay at sa Greater Maritime Access ng paggawa ng mga pier para sa roll-on, roll-off.

Nagtagumpay ang kongresman sa paninira sa iba at nakorner nga nila ang lahat ng mga proyekto sa nasabing dalawang programa.

Mabey & Johnson at Eiffel Mattier

Ayon kay Osmeña, ang ini-ahente ni kongresman ay ang Mabey & Johnson at Eiffel Mattier.

Itong dalawang kompanyang ito ay may mga masasamang rekord.

Isang British company ang Mabey & Johnson at iniimbestigahan ng gobyernong Gran Britanya sa sobra-sobrang kita sa paggawa ng mga tulay na pinopondohan ng Official Development Assistance mula sa nasabing bansa.

Ito namang Eiffel Mattier na isang kompanyang Pranses ay nakilala nang husto nang idemanda nito ang ating pamahalaan sa pagkakansela ng 66 na kontrata nito para sa roll-on, roll-off projects sa mga huling araw ng administrasyon ni Aling Gloria.

Kinansela ang mga proyekto dahil hindi naman pala kailangan ang mga ito at walang kaukulang feasibility study bago itinayo ang mga ito.

Binebeybi ni Kong

Ngayon ay binebeybi ni Kong ang dalawang kompanyang ito na sumasali sa mga proyekto para pa rin sa PBP.

Tulad ng dati, malakihan, bilyong piso ang gusto nilang mga kontrata.

Para magtagumpay si Kong at ang mga alaga niyang kompanya, bingyan niya ang mga ito ng isang opisina sa Makati City.

Pagkakilanlan kay Kong

Gusto n’yo bang malaman, mga Bro, kung sino ang kongresman na ito? Heto, isa siya sa mga pinakamayaman sa Kamara.

At ang pagbeybi niya sa mga malalaking kompanyang nabanggit ay inaasahan niyang lalong magpapayaman sa kanya. Aba, sa laki ba naman ng halaga ng mga proyekto na gusto nilang makorner.

O hulaan na!

FIRING, PROFILING PALA NG PAF

Isang imbitasyon ang natanggap natin sa Philippine Air Force para sa isang shootfest.

‘Yun bang tinatawag na firing. Libre bala! “Libre” baril! Hiram nga lang.

Proud ang pangulo ng National Press Club dahil naalala nila tayo.

Gaya ng sabi sa imbitasyon, ito ay para sa “spirit of kinship and camaraderie.”

Tama ba ang pang-unawa ko? Para sa “espiritu ng kapatiran at pagsasama-sama?”

He! He! He! Sa Lipa gaganapin ang shootfest pero inilipat sa Villamor. Pabor! Napalapit! Ayaw sana nating hiyain ang imbitasyon ng militar sa ngalan ng pagkaka-isa.

Pero nang makatanggap tayo ng isang fax message na sinasabing kailangan muna nating sagutin para makapasok ng kampo, na siyempre naman magtatala ito ng mga impormasyon tungkol sa ating mga personal na detalye.

Aba! Tumaas po ang kilay natin. Heto ang ating tanong… Hindi na po natin lalagyan ng malisya ang nasabing fax message. Ang saganang atin ay “Nag-iimbita kayo, pero hindi n’yo kilala ang inyong iniimbita?” Eh di huwag n’yo nang imbitahan! Tama ba?

Alam po ng Ultimatum na malinis ang inyong hangarin sa imbitasyong ito, yun nga lang po ay medyo nakaka-INSULTO!

Kaya nais lang po naming ipaalam sa inyo na kami po sa media ay hindi patay gutom na hindi kayang pumutok o mag-firing na may bayad.

MARAMING SALAMAT NA LANG!
Tanong… FIRING BA ITO? O… PROFILING? NAGTATANONG LANG PO!

NASAAN ANG DOSE PARES?

Isa sa mga kinatatakutan na gang na gumagala sa Metro Manila at karatig na mga lalawigan ang tinatawag na Dose Pares Gang.

Kinatatakutan dahil halos binubuo ang gang ng mga pulis na dating nakatalaga sa Eastern Police District.

Kinatatakutan naman talaga dahil pinapatay ng mga ito ang kanilang mga biktima sa kidnapping for ransom.

Gayundin ang kanilang mga biktima na nagwi-withdraw ng salapi sa mga bangko.

Ang isa pang nakatatakot, matapos nilang maisagawa ang kanilang mga krimen, hindi umuubra ang police checkpoint dahil pulis nga ang mga ito.

Sino ang huhuli sa mga pulis na magnanakaw lalo’t napapatay ang mga biktima nila at halos walang testigo?

TIKLO ANG ULO

Binubuo ang Dose Pares Gang ng mga pulis na sina Inspector Nathaniel Capitana, PO1 Alexander Pangilinan, PO1 Candido Vallejo, PO1 Roel Palana, PO2 Allan Verana, PO2 Arden Lanaza, PO2 Daniel Maborang, PO2 Roger Villarente, and civilians Christian Marcelo and Ely Frias Jr.

Kamakailan lang, nahuli ang boss nila na si PO2 Joel Tapec sa Tarlac. Pero ang masama, dadalawa pa lang sila na nahuhuli ng mga awtoridad. Nasaan yung iba?
oOo

Anomang reklamo o puna ay maaaring iparating sa www.remate.ph o i-text sa 09214303333.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply