Roxas masusubok sa DILG

TAPOS na ang “guessing game” dahil kinumpirma na ng Malakanyang na si Mar Roxas na ang uupong kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) kapalit ng yumaong Ramon Magsaysay awardee na si Secretary Jesse Robredo.

Alam nating nararamdaman na ng pinuno ng Liberal Party (LP) na si Kalihim Mar Roxas kung gaano kabigat ang kanyang hahawakang posisyon bilang kahalili ng pinakamamahal na anak ng Naga City dahil malaki ang inaasahan ng taumbayan sa kanyang panunungkulan.

Tiyak na alam din ni Roxas na malaki ang kanyang responsibilidad bilang bagong pinuno ng DILG kaya’t marapat lamang niyang pag-aralan ang mga solusyon sa problemang kinahaharap ng DILG katulad ng talamak na jueteng, private armed groups ng mga politiko, korapsyon sa lahat ng ahensiyang sakop ng kanyang ahensiya lalo na sa bidding at magandang ugnayan sa mga lokal na pamahalaan.

Maging ang pagpapasunod ni Roxas sa mga lokal na pamahalaan kaugnay sa tinatahak na agenda ng Pangulong Noynoy Aquino na “daang matuwid” ay susubaybayan din ng mamamayan dahil kailangan na iisang kumpas lamang ang tinatahak para ma-attain ang matinong gobyerno.

Hindi rin biro ang gagawing pagkukumpara ng taumbayan sa istilo ng pagpapalakad at pamumuno nina Robredo at Roxas dahil maganda naman at kahanga-hanga talaga ang iniwang “legacy” ng yumaong Ramon Magsaysay awardee.

Dapat ring makasanayan ni Roxas ang pakikisalamuha sa kapulisan ng bansa lalo’t higit sa mga opisyales nito dahil marami rin namang problema ang Philippine National Police (PNP) katulad ng walang patid na krimen sa bansa.

Kahit ang iringan sa hanay ng PNP partikular na sa agawan ng mga “juicy position” na siyang pinag-uugatan ng pagkakahiwalay ng hanay ng kapulisan ay dapat ding gamutin ni Roxas dahil ito ang nakikita nating susi upang magtagumpay ang pulisya laban sa terorismo at kapulisan.

Sa maikling salita, problema ang kinahaharap ni Roxas sa pagpapatakbo ng DILG, pero tiwala tayong kaya niya itong aksyunan at resolbahin dahil subok na ang taong ito sa lahat ng mga pagsubok dahil hinog naman ang pinakamamahal na anak ng Capiz sa lahat ng aspeto ng paglilingkod bayan.

###

Dapat na ring magpakatino ang mga bulok na kamatis sa hanay ng mga lokal na opisyal ng pamahalaan. Kung si Robredo ay medya-medya lamang ang ginawang pagsuweto sa kanila ay tiyak na may kakaibang paraan si Roxas para ang lahat ng mga opisyales ng local government ay maging kaagapay ni PNoy sa daang matuwid.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply