Russians nilampaso ng Pinoy paddlers

NGANGA ang pinapaborang Russians paddlers ng sumegundo lang sila matapos kampayin ng Team Philippines ang huling tatlong event na nakataya sa Open category ng 200-meter events sa pagtatapos ng World Dragon Boat Championships sa Idroscalo Water Sports Club Milan.

Luhod ang ibang matitikas na koponan sa Europa at United States ng kampayin ng Pinoy ang overall champion sa Open class ng 14-countries meet tangan ang kabuuang anim na ginto at isang silver medals.

Tanging ang 500-meter mixed 20 ang hindi nilahukan ng Pinoy.

Inuwi ng mga Amerikano, Germans at Polish paddlers ang bronze medals sa event na inorganisa ng International Canoe Federation (ICF).

Sinimulan ng Pinoys ang pagpapakitang-gilas sa pagsagwan sa 10 paddlers all men sa oras na 50.07, halos isang minuto ang lamang sa Russia (51.120), habang pangatlong dumating ang Poland (52.757).

Sunod na pinagbunyi ng Pinoy ang mixed 20 (12 men eight women) event ng daigin uli ang Russia sa finish line sa oras na 44.486 kontra sa karibal (45.329), kasunod ang Germany (46.133.).

Tuluyang winalis ng Team Philippines ang tatlong event na nilahukan — mixed 10 race (six men four women) sa oras na 52.419, kasunod ang Russia (53.739) at United States (54.569).

Sa unang dalawang araw ng aksyon, sinungkit ng Pinoy ang gintong medalya sa 10 mixed 500 meter, 10-men 2,000-m at 10-men 500 meter race.

Tumapos naman ng silver ang koponan na lumaban sa 20 mixed 500-meter race na pinagwagian ng Russia.

“You are simply awesome. Russia did not see you coming and also you have reminded all of us that there is such a country as Philippines in the map,” pahayag ng Canadian head of delegation kay Philippine Canoe/Kayak Federation Secretary-General Jonne Go.

Nahigitan din ng Team Philippines ang tagumpay na nagawa ng koponan na dating pinapatakbo ng organisasyon na hindi na sanctioned ng Philippine Olympic Committee (POC).

“Masama lang ang loob ng iba dahil wala daw nababasa ang kanilang mga kamag-anak sa Pilipinas sa mga malaking diyaryo natin sa Manila,” pahayag ni head coach Len Escollante.

Mismong si PCKF President Dr. Sim Chi Tat, na nagpasyang mamalagi na lang sa Manila, ay nagtataka kung bakit hindi niya mabasa sa dalawang pahayagan na kanyang binibili ang panalo ng Pinoy paddlers sa nakalipas na mga araw.

“We are just very thankful for this performance of our athletes.  Somehow this vindicates the decision of the Philippine Olympic Committee to transfer the management of dragon boat to the PCKF,” pahayag ni Escollante.

Nakatakdang bumalik sa bansa ang 25-member team sa Martes (Miyerkules sa Manila), ngunit ngayon pa lang ay tanggap na ng mga atleta ang posibilidad na wala silang aasahang “Heroes Welcome.”

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply