Sa wakas, Azkals kampeon na!

NAGBUNGA ang matagal ng panahong paghihintay ng Philippine Football team na makamit ang kauna-unahang international title.

Kagabi, hindi na pinakawalan ng Azkals ang pagkakataon na masungkit ang unang titulo ng sipain nila ang 3-1 panalo kontra Chinese-Taipei sa katatapos na Philippine Football Peace Cup sa Rizal Memorial Football Stadium.

Sa first half pa lang ay ipinakita na agad ng Azkals ang matatalim nilang pangil ng sagpangin ang tatlong puntos upang sa sumunod na kalahati ay puro depensa na lang ang kanilang ginawa.

Unang goal ng Azkals ay sa 10-minute mark na nanggaling kay Denis Wolf na nahirang bilang MVP at Golden Boot award.

Sinundan naman nina team skipper Emelio “Chieffy” Caligdong sa 35 minutes at OJ Forteria sa 43rd upang magdiwang agad ng maaga ang mga fans na para bang sigurado ng maaangkin ng Azkals ang titulo sa event na kilala rin na Long Teng Cup.

Si Chang Han ang nakaiskor sa kalaban.

Bago sumampa sa Finals ang PHL national men’s soccer ay tinadyakan muna nila ang Guam, 1-0 at pagkatapos ay binokya ang Macau, 5-0.

Samantala, hinakot din ng Azkals ang ibang awards kung saan si Jeffrey Christiaens ang best defender, si Eduard Sacapano ang best goal keeper, si Matthew Uy ang best midfielder at sa Nationals ang Fair Play trophy.

Susunod na sasabakan ng Azkals ay ang AFF Suzuki Cup sa Thailand sa darating na Nobyembre.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply