Salamat Leonardo Espina

BIHIRA akong humanga sa matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) at ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Kadalasan ang aking paghanga sa mga men in uniform ay doon sa mga mabababang mga tauhan ng mga nasabing ahensiya. Mabibilang ko lang ang aking mga hinangaang men in uniform tulad ng mga retiradong heneral na sila Alfredo Lim, Rene de Villa, Sonny Razon, at Danny Mangila. Salamat naman at nadagdagan na rin. Ang bagong hepe ng NCRPO na si Chief Supt. Leonardo Espina ang aking bagong hinahangaan sa ngayon. Hindi ko siya personal na kilala pero sa aking nakikita buhat ng siya’y naging hepe ng Highway Patrol Group (PNP-HPG) o ang dating Traffic Management Group o TMG ay nabawasan talaga ng malaki ang kaso ng mga carnapped vehicle,

Pero mas malalim d’yan ang ang aking nagustuhan kay bagong hirang na NCRPO Chief Espina. Ito ay ang kanyang pagpapalaki sa kanyang mga anak. Pati misis niya ay tila ‘di rin abusado o mayabang. Ang nangyaring insidente sa kanyang anak ay ‘di natin kagustuhan pero nakabuti rin itong pangyayaring ito. Nagsilbing napakalaking aral para sa mga motorista at pulis na ‘di dapat magbigay ng lagay at hindi dapat mangotong.

Isipin ninyo, ang misis at mga anak ni Hen. Espina, ‘pag nagkamali sa batas trapiko ay pumipila sa mga redemption centers para kunin ang driver’s license. Ibig sabihin, nagpapa-ticket sila. Hindi sila nagpapakilala o nagmamayabang na asawa o anak sila ng isang mataas na opisyal ng PNP. Bakit ang ibang asawa’t anak ng mga pulis o militar ay hindi tumulad sa pamilya ni Hen. Espina? Marami d’yan, tinyente pa nga lang e napaka-arogante na ng pamilya nila. Akala nila pati sila ay nakaupo sa gobyerno.

Ngayon, dahil sa pag-iimbestiga ni Hen. Espina sa mga pulis na may existing cases, hindi lang si SPO4 De la Pena ang natanggal sa serbisyo kundi marami pang iba. Salamat po Heneral! Tila kayo lang ata ang desididong linisin ang hanay ng PNP. Kayo lang rin ang nakaisip na maglagay ng hotline sa NCRPO.

Sa ating mga motorist, si Heneral Espina ang ating bagong katulong pagdating sa mga kotong cops at iba pa. Pero siyempre malapit sa aking puso ang tunkgol sa pangongotong ng mga pulis sa mga motorista. ‘Wag nating kalimutan na hindi puwedeng ipamaneho ang ating kotse o motorsiklo sa mga pulis. Kapag na-checkpoint tayo gamit ang ating kotse ay hindi tayo obligadong magbukas ng pinto. Bintana lang ang kailangan nating ibaba. Visual search lang ang puwede nilang gawin. Kahit bag natin o glove compartment ay hindi nila puwedeng iutos na buksan. Parehas din sa mga rider.

‘Wag nating bubuksan ang kahit na anong dala natin tulad ng backpack o anumang uri ng compartment ng ating motorsiklo. ‘Wag na ‘wag din tayong papayag sa body search. Bawal iyan. Kapag kaduda-duda na ang nagaganap na paguusap o pagtatanong ay mag-text sa NCRPO hotline 0999-9018181. Lagi nating tandaan na kunin ang pangalan ng pulis para mai-report agad.

Ngayon, mas pinalakas mo ang loob namin. Mas panatag na ang loob naming mga motorista. Sana patuloy na maging payapa ang ating mga lansangan. Maraming Salamat sa iyo Heneral Leonardo Espina!

*****

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810khz AM. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o ‘di kaya’y mag-text sa 0918-4479006 o mag-email sa eggayq@gmail.com. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply