Sapatos Festival 2012 ng Marikina bubuksan sa Sept. 10

PORMAL nang bubuksan sa publiko ang dalawang buwang pagdiriwang ng Sapatos Festival 2012 ng Marikina, isang natatanging pagdiriwang na naglalayong muling buhayin at pasiglahin ang industriya ng sapatos ng lungsod. Ang pagpapasinaya ay gaganapin sa ika-10 ng Setyembre sa ganap na alas-otso ng umaga (8am) sa Patio Del Zapateros, sa kahabaan ng J.P. Rizal Street, Barangay San Roque.

Kasabay ng pagbubukas ng pagdiriwang ang lingguhang pagtataas ng watawat ng mga kawani ng pamahalaan na susundan ng pagbubukas ng Patio Del Zapateros, isang plazang magtatampok sa mga dekalidad at murang sapatos na gawang Marikina. Panauhing pandangal sa aktibidad na ito si Pinoy Rock Icon Joey “Pepe” Smith na magtatanghal ng sarili nitong version ng “Walk This Way!|”, ang tema ng Sapatos Festival 2012.

Bahagi rin ng pagdiriwang ang Shoe Caravan na magdadala ng mga produktong sapatos ng lungsod sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila upang doon ibenta sa abot-kayang halaga mula ika-1 ng Oktubre hanggang ika-9 ng Nobyembre.

Hinihikayat naman ni Mayor Del De Guzman ang publiko na tangkilikin ang natatanging pagdiriwang na ito upang matulungang bumangon ang industriyang nagbigay ng pangalan sa Marikina bilang Shoe Capital.

Tampok din ang iba’t ibang kaganapan sa Sapatos Festival tulad ng Weekend Jammingan, Feast of St. Crispin (patron ng magsasapatos), Shoe-per Star, Tap Dance, Shadow Dance Play, Shoe-gala, Fashion Shoe, Tour de Takong (a.k.a. Stiletto Race), Gabi ng Parangal para sa Industriya ng Sapatos, Konsyerto sa Plaza, at Marikina-wide Bike Fest.

Magtatagal ang pagdiriwang hanggang Nobyembre 18.

loading...

About Gwenn

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply