Si Comm. Ruffy Biazon at Manila Mayor Alfredo Lim

SINA Bureau of Customs Commissioner Ruffy Biazon at Manila Mayor Alfredo S. Lim ay dalawang magkaibang tao subalit kapwa opisyal ng pamahalaan sa ilalim ng administrasyon ni Pang. Benigno Aquino III kung kaya’t kapwa binabagtas ang “tuwid na daan.”

Si Biazon, dating mambabatas, ay hindi napapagod sa paglaban sa mga tiwaling opisyal at tauhan ng kanyang ahensiya na kinakasabwat ng smugglers upang makapagpuslit ng mga kontrabando papasok o palabas man ng bansa habang si Lim, dati ring alagad ng batas, ay hindi rin tumitigil sa pagsupil sa kawalanghiyaan at katarantaduhan ng mga pulis sa kanyang nasasakupan.

Ilang beses na rin namang sinusubukan ng smugglers ang tibay ng loob ni Biazon kung kaya’t paulit-ulit na ginagawa ng mga ito ang pagpupuslit ng mga kontrabando, subalit sa huli ay pawang nabibigo ang mga ito sa tangkang pangangalakal gamit ang mga tauhan ng pamahalaan.

Inakala ng mga buwaya ng Aduana na susuko si Biazon at ang mga tapat nitong tauhan tulad ng mga nakatalaga sa Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) at hanggang “Task Force Pakilala” lang ang mga ito na kapag nakuha ang weekly payola ay magiging maluwag na.

Dito nagkamali ang mga ungas nang muli na naman nilang tangkain na magpuslit ng eel fry o elvers kamakalawa (araw ng Linggo) sa NAIA.

Dahil alisto sina Customs Police District chief George Aliño, NAIA District Commander Col. Marlon Alameda at BOC examiner Reggie Tuazon ay nasabat ang ipupuslit na kontrabando na bagaman hindi “endangered species” ay bawal pa ring ilabas dahil paglabag sa Republic Act 8550 o batas na naglalayong paunlarin ang pangangalaga sa mga isda at iba pang lamang dagat.

Nagkakahalaga ang mga nasabing ipupuslit na igat ng P750,000 at itatawid ito patungong Kaishiung, Taiwan at isasakay sa China Airlines flight CI-712.

Sa pagkakahuling ito, bukod pa noong Hulyo nang tangkain ding ipuslit ang mga nasabing igat na umaabot sa may P2 milyon, ay masasabing iba talaga ang pamumuno ni Biazon sa mga nagdaang hepe ng BOC.

Hindi kampanyang ningas-kugon ang ginagawa ng ating bida, subalit totohanan na dapat pamarisan ng mga tauhan ng kasalukuyang pamahalaan. Itutuloy

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply