Sinibak na PDEA official, umalma

PUMALAG si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director for Operations Assistant Secretary Carlos Gadapan matapos siyang sibakin ng Malakanyang sa kanyang puwesto sa hindi niya malamang kadahilanan.

Ayon kay Gadapan na nagulat na lang siya nang makatanggap ng release papers mula sa Palasyo.

“Nakakagulat nga po bigla na lang dumating ang release order nang hindi naman ako iniimbestigahan. Hindi ko alam kung ano ‘yung inaakusa o mga bagay-bagay na against sa’kin.”

Per o may malaking kinalaman aniya sa pagkakasibak niya ay ang nabuong gap sa pagitan nila ni PDEA Director General Jose Gutierrez Jr. matapos niyang aminin dito ang pagsusugal ng kanyang misis.

“Ang natatandaan ko lang ay itong treatment sa akin ni Director General Gutierrez. Mula po noong isiniwalat ko sa kanya na ‘yung asawa niya po ay exposed na sa pagsusugal at ito po ay nagpapatalo ng daan-daang libong piso base po sa mga impormasyong natatangap [ko].”

“Parang nagkaroon na po siya ng gap sa akin at may mga ginagawa po ako na tinanggal niya po.”

Giit ni Gadapan, handa siyang humarap sa imbestigasyon ng Malakanyang pero mas mainam anyang ang mag-asawang Gutierrez ang imbestigahan ng palasyo.

“May mga operation na inapprove si General Gutierrez na may pinasukang P8 million dito. Siya ang nag-approve ng isang operasyon na [nagbigay] ang suspek ng P8 million. May mga detalye po d’yan sa operation na ‘yan.”

Isiniwalat pa ng sinibak na opisyal na labis na nakakaapekto sa kanilang ahensya ang pagsusugal ng misis ng direktor.

“Sino ba ang nangangailangan ng pera? Sino ba ang may motibo para mangailangan ng pera? Edi siya (Gutierrez). E kasi santambak na po ang utang nila e… Milyon-milyon ang utang ng asawa, e kahit sa mga direktor namin may utang ‘yan e.”

Pinasinungalingan din ni Gadapan ang lumalabas na ulat na may kaugnayan siya sa ilang drug lords.

Aniya, matindi ang galit niya sa mga drug lords dahil minsan na anyang naging biktima ng droga ang kanyang pamilya at alam niya ang epekto nito kaya pilit niya itong pinupuksa sa tulong ng PDEA.

Una nang iniutos ni Pangulong Noynoy Aquino na sibakin si Gadapan dahil sa “loss of trust and confidence.”

Pero ayon kay Gadapan, “Paano siya mawawalan ng tiwala sa akin e hindi pa nga ako naiimbestigahan.. Ni-relieve ako basta-basta… walang formal complaint.”

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply