SK seminar ng Valenzuela sa Baguio inuman pala

NAGMISTULANG beerhouse raw sa rami ng alak ang isang kuwarto ng Hotel Henrico sa Baguio City nang mag-seminar dito ang mga SK ng Valenzuela City noong nakalipas na buwan ng Mayo.

Ang nasabing seminar ay tungkol sa Capability Training ngunit sa halip daw na matuto ang mga SK ng Valenzuela City ay natutuhan ng mga ito kung papano ang lumaklak at manigarilyo.

Malaking pera ang ginugol dito ng lokal na pamahalaang lunsod ng Valenzuela sa seminar na ito ng mga SK ngunit iba naman pala ang natutunan ng mga kabataang ito.

Partikular na tinukoy ng ating mga source ang Barangay T. De Leon kung saan makikita sa mga litratong ipinadala sa Lily’s Files ang SK Chairwoman na si Justine Joy Rivera na nakikipag-inuman sa kanyang mga kasamahan kaharap ang tatay nitong dating kagawad sa loob ng Hotel Henrico sa lungsod ng Baguio.

Ang lungsod ng Valenzuela ay mayroong 32 barangay at ang bawat barangay ay mayroong 5 SK kung kaya dumalo sa nasabing Capability Training seminar na ito ay nasa 160 SK, puwera pa ang ilang kamag-anak at mga sabit katulad ng ilang barangay tanod.

Biruin mo, yang perang  ginastos ng lunsod ng Valenzuela sa mga SK, mula sa transportation, hotel accommodation at pagkain, bukod pa sa perang pabaon na tig-P3,000 umano bawat isang SK.

Wow, aabutin din ng milyones ang gastos dito, tapos inuman lang pala ang matututunan ng ibang SK.

Dapat talaga ay alisin na ang mga SK na yan, wala rin namang nagagawa ‘yang mga ‘yan sa isang barangay dahil ang Barangay Chairman din ang nasusunod kung anong project mayroon ang mga SK.

Sa aking palagay, ang SK ay  itinatag lang para maging stepping stone ng mga nagaambisyon na maging politiko. Kumbaga, dito pa lang sa pagiging SK ay tinuturuan na nang maaga kung papanong maging corrupt ang isang politiko.

Katulad ng seminar na ito, alam daw nitong si Valenzuela City Mayor Win Gatchalian ang nasabing pagbaha ng alak sa mga silid ng Hotel Henrico, pero hindi man lang ito humingi ng paliwanag mula sa mga SK na dumalo sa nasabing seminar.

Hindi pa man lumalabas ang aking column kaugnay sa nasabing seminar ay may natanggap na akong text message na nagsasabing hindi lang naman daw ang mga taga-Brgy. T. De Leon ang nag-iinuman pagsapit ng gabi kundi lahat ng mga SK buhat sa iba’t ibang barangay ng lungsod ng Valenzuela City.

Anong masasabi mo rito, Valenzuela Mayor Win Gatchalian?

At anong hakbang naman kaya ang gagawin dito ni bagong upong DILG Sec. Mar Roxas ? Let’s wait and see ika nga.

Bukas po ang Lily’s Files Column natin para sa inyong mga reklamo, suhestiyon at komento. Mag-text lang po sa 09155683000 at 09087230036 o kaya ay mag-email lang sa  lpr_2012@yahoo.com.

oOo

NOONG nakalipas na araw ng Biyernes ay namahagi po ng mga relief goods ang Lily’s Files doon sa mga nasalanta ng pagbaha dulot ni Habagat sa may  Kaliraya St., Cluster 18, Brgy. Tatalon, Quezon City bilang  pasasalamat sa unang anibersaryo ng Lily’s Files column natin sa pahayagang Remate.

Maraming maraming salamat po roon sa mga sumulat, nag-email at nag-text, at maging doon sa ating mga naisulat, mabuti man o masama, trabaho lang po ang akin, wala pong personalan.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply