Solusyon sa EDSA bus racing

KAMAKAILAN ay nakipag-usap ang Metro Manila Development Authority (MMDA) sa mga bus operator na biyaheng EDSA upang subukan ang bagong paraan ng loading at unloading. Sa kasalukuyan, dalawang klase ang mga bus na dumadaan sa EDSA. Isa ang Alabang route na tatawaging A-route at ang isa naman ay Baclaran route na tatawagin namang B-route. Ayon sa pag-aaral ng MMDA, gusto nilang subukang gawin na ang bus stops ay paghatiin sa A ONLY at B ONLY upang mabawasan ang trapik at pila sa yellow lanes at nang sa gayon ay hindi na makikipag-unahan ang mga bus sa paghakot ng mga pasahero. Dagdag pa dito ay mababawasan na ang oras ng pagbiyahe ng mga pasahero. Bibilis ika nga ang iyong travel time. Ngunit may ilang bus na papayayang tumigil sa lahat ng bus stops para makapagsakay ng mga pasaherong malapitan lang ang destinasyon.

Ano sa tingin ninyo? Boto ako dito. Sa tagal ng problemang trapik sa EDSA ay maging bukas sana tayo sa mga bagong pamamaraan ng gobyerno upang solusyonan ang napakatagal ng problema tulad nito.

Nasa inyo ang aking boto Chairman Francis Tolentino.

*****

Bukas na po sa publiko ang Quezon Avenue/Araneta Avenue underpass. Ito ay binuksan noong Biyernes. Ang proyektong ito ay maagang natapos dahil sa round-the-clock construction na iniutos ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio Singson.

*****

Tuluyan na ngang sinuspinde panghabambuhay ang driver’s license ni Robert Blair Carabuena, ang nanakit kay MMDA Traffic Constable Saturnino Fabros. Mabigat na pataw iyan. Sang-ayon man ako na parusahan si Carabuena pero sobra ata ang lifetime ban o revocation ng lisensya.

Lisensya sa baril ay tama lang na bawiin pero ang habambuhay na pagbawalan kang magmaneho ay sobra naman. Sana ay puwede pang maapela ito ni Carabuena. Ang mga nagkakasala ay dapat parusahan pero bigyan rin ng pagkakataon sana upang magbago. Dahil dito ay hindi rin tayo nakasisigurong hindi na magmamaneho si Carabuena. Paano kung mangyari ito dahil sa isang matinding pangangailangan ni Carabuena? E di magkakasala pa siya ulit, driving without license. Para sa akin tama na sana ang isang taong suspensyon ng kanyang driver’s license.

Magdasal ka na lang Mr. Carabuena at sa darating na panahon subukan mo na lamang na iapela ang iyong lifetime revocation of license. Baka may tsansa pa.

*****

Iniimbitahan ko po kayong makinig sa inyong lingkod tuwing Martes at Huwebes, 2:00 p.m. para sa INSIDE MOTORING RADIO sa DZRJ 810khz AM. Inaanyayahan ko rin kayong tangkilikin ang mga programang STOPLIGHT TV at INSIDE MOTORING TV na mapapanood sa PINOY EXTREME CHANNEL sa buong kapuluan at sa ABS-CBN The Filipino Channel (TFC) Global sa ibang parte ng mundo. Sa Kalakhang Maynila, ang Pinoy Extreme ay nasa Destiny cable ch. 83, Cablelink ch. 55 at G-Sat ch. 7. Mapapanood rin ito sa iba’t ibang mga cable operator nationwide. Kung may mga katanungan hinggil sa mga isyung motoring, motorsports at transportasyon, wag mag-atubili na makibahagi sa www.facebook.com/InsideMotoring o di kaya’y magtext sa 0918-4479006. Salamat po!

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply