SSI, ASA pasadong bidder sa paglalagakan ng PCOS

NAKAPILI na ang Commission on Elections (COMELEC) Special Bids and Awards Committee (SBAC) ng bidder para sa rerentaha nitong warehouse na paglalagakan ng mga precinct count optical scan (PCOS) machines na gagamitin para sa 2013 automated elections.

Nabatid na idineklara na ng Comelec-SBAC na ‘eligible to bid’ ang Joint Venture na Storage Solutions, Inc. (SSI) at ASA Color and Chemical Industries, Inc. (ASA), na siya ring ‘lone eligible bidder’ sa kontrata.

“After due deliberation, the Special Bids and Awards Committee (SBAC) hereby approves the recommendation of the Technical Working Group (TWG) and accordingly declares the Joint Venture of Storage Solutions, Inc. (SSI) and ASA Color and Chemical Industries, Inc. (ASA) as eligible,” anang resolusyon ng SBAC na pinamumunuan ni Comelec Deputy Executive Director for Administration Helen Aguila-Flores.

Sinabi pa ng SBAC na ang Joint Venture ang siya ring nagsumite ng pinakamababang bid na P318,887,777 o rentang P98,119,316.04 kada taon o P8,176,609.67 kada buwan para sa  warehouse na may configuration facilities.

Kasunod nito, isasailalim na ngayon sa “Post-Qualification evaluation” ang nasabing joint venture upang maberipika o ma-validate ang lahat ng statements at dokumento na isinumite ng bidder gaya ng Legal Requirements, Technical Requirements at iba pa.

Inatasan naman ng SBAC ang SSI at ASA Joint Venture na magsumite sa loob ng tatlong araw ng Tax Clearance; Latest Income at Business Tax Returns at iba pang lisensya at permit na nakasaad sa bidding documents.

Nagbabala pa ang SBAC na kapag nabigo ang joint venture na magsumite ng nasabing requirements ay maaaring madiskwalipika ang mga ito at hindi matuloy ang pag-award ng kontrata sa kanila.

Inaasahang ilalagak sa naturang warehouse ang mga PCOS machines hanggang taong 2015.

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply