Torture couple naghain ng not guilty plea sa korte

NAGHAIN ngayon umaga ng not guilty plea sa Quezon City Regional Trial Court ang mag-asawang inaakusahang nananakit at nagresulta sa pagkabulag ng isang kasambahay kaugnay sa serious illegal detention case na isinampa ng kasambahay laban sa naturang mag-asawa na dati niyang mga amo.

Hindi na binasahan ng sakdal ni QCRTC branch 77 Judge Hermano Legaspi sina Reynold at Anna Liza Marzan matapos maghain ng isang waiver si Atty. Jess Fernandez, abogado ng mag-asawa, kaugnay sa kasong serious illegal detention na inihain ni Bonita Baran kasunod ng paghahain ng petition for bail ng abogado para naman  sa pansamantalang kalayaan ng kanyang mga kliyente.

Sa nasabing arraignment, pilit pa ring itinanggi ng mag-asawa ang akusasyon ni Bonita Baran laban sa kanila at sa halip ikinatuwiran nito na ang mga sugat na tinamo umano ni Baran ay “self  inflicted” ibig sabihin kagagawan din ni Baran ang mga sugat na tinamo nito bagay na kinontra ng huli at pinagtibay ang kanyang mga naunang testimonya.

Dumalaw ang tatlong menor de edad na anak ng mag-asawang Marzan sa magkahiwalay nilang piitan sa Kampo Karingal na kinapipiitan ni Anna Liza habang si Reynold naman ay sa  Quezon City Jail.

Kumpiyansa naman si Atty. Persida Acosta, hepe ng Public Attorneys Office (PAO) at siya ring tumatayong abogado ni Baran na matibay ang kanilang mga hawak na ebidensiya at sapat na upang madiin ang mag-asawa sa kaso.

Dagdag pa ni Acosta, may darating pa silang mga testigo na dating naging katulong ng mga Marzan na magpapatunay sa anila’y kalupitan ng mag-asawa sa kanilang mga katulong pero sa hawak nila ngayong ebidensiya ay sapat na ito.

Batay sa sinumpaang pahayag ni Baran, sa halos limang taon niya umanong pamamasukan bilang kasambahay sa mga Marzan ay puro kalupitan ang kanyang dinanas sa mag-asawa.

Nakaranas umano siyang masuntok sa kanyang mata at plantsahin ng kanyang amo sa mukha habang namamalantsa.

Sinaksak pa rin umano siya ng gunting  ng kanyang amo  sa kanyang braso .

Lumilitaw na mahigit sa isandaan ang sugat at peklat na nakita sa  katawan ni Bonita Baran dulot ng pananakit sa kanya ng mag-asawa .

Kaugnay nito, itinakda naman ng korte sa darating na Sept. 21 ang gagawing pagdinig sa petition for bail na inihain  ng kampo nina Marzan .

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply