Trillanes nagmatigas sa committee chairmanship

HINDI bibitiwan ni Sen. Antonio Trillanes IV ang hawak nitong tatlong komite bilang tugon sa panawagan ni Senate President Juan Ponce Enrile na kusang iwanan ang mga lupon na kanyang hinahawakan dahil wala na siya sa mayorya.

Sa panayam sa radyo nitong Linggo, sinabi ni Trillanes na kung pipilitin muli ni Enrile na kunin sa kanya ang tatlong komite, kailangan pagbotohan ito sa plenaryo na siyang tamang proseso sa pagtatanggal ng committee chairmanships.

“Bakit ko bibitawan eh I am entitled to that, so kung tatanggalin nila ako, dapat pagbotohan nila sa plenary,” ayon kay Trillanes.

Dahil dito, hinamon niya si Enrile na sa pagbubukas ng sesyon ng Senado sa Oktubre 8, bilang miyembro ng minorya ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano, kailangan ihain sa plenaryo ang pagtatanggal sa kanya sa mga komiteng hawak nito.

“Doon natin malalaman sa pagbubukas ng sesyon at pag-uusapan namin sa partido kung ano ang entitled to the party, for us,” giit niya.

“Kung babrasuhin niya, eh pagbotohan sa plenary para tanggalin ako,” dagdag ng senador.

Sa ngayon, hinahawakan ni Trillanes ang maliliit na komite na halos walang kumukuha dahil puro trabaho sa lupon kabilang ang   Senate committee on civil service and government reorganization,  amateur sports competitiveness at  oversight committee on special government procurement. Miyembreo din siya ng makapangyarihang Senate Electoral Tribunal (SET).

“Actually ganito ang sistema dyan, may committee na magaganda, at may committee na working committee lang, pinag-aagawan lamang dyan ang komite na magaganda,” aniya.

Ngunit, ayon kay Trillanes na wala din naman siyang pakialam kung tatanggalan siya ng committee chairmanship dahil miyembro na siya ng minorya dahil may kapangyarihan ang mayorya sa pamumuno ni Enrile na tanggalan ng komite ang sinumang mambabatas.

“I don’t mind, trabaho naman iyon. It is really up to them,” aniya.

Hinggil naman sa SET, sinabi ni Trillanes na ikokonsulta niya ang hinaing kay Sen. Manny Villar na siyang presidente ng Nacionalista Party kung dapat magkaroon ng isang miyembro ng kanilang partido sa SET.

“The seat in SET is for the majority, but now, since I am with the minority, I would like to consult this to Senator Villar, of what are our entitlement since we, the Nacionalista Party, is the biggest bloc in the Senate,” aniya.

Nauna nang hinamon  ni Enrile si Trillanes na bitiwan ang mga komiteng hawak nito kabilang ang SET dahil nakalaan lamang ang membership nito para sa mayorya.

loading...

About accounting

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply