Trust rating ni PNoy pasado, LP senatorial slate sinasala

HINDI maikakaila ang tatag ng tiwala ng masang Filipino sa administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino bunga ng pagpapakita nito ng determinasyon na ipagpatuloy at isakatuparan ang reporma sa pamamahala sa gobyerno.

Ayon nga sa pinakabagong survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), nitong buwan ng Agosto, naitala ang pinakamataas na ratings ni PNoy mula pa ng umupo ito sa puwesto noong June 2010 kung saan pumalo sa +67 points “very good” ang kanyang kasalukuyang trust rating.

Napag-alaman din na tumaas ang tiwala ng taumbayan sa Pangulo mula sa iba’t ibang socio-economic classes at kasarian sa bansa. Sa mga nakilahok sa naturang survey, lumalabas na 77 porsyento rito ang kuntento sa pamamahala na ipinakikita ng kasalukuyang administrasyon.

Nagpapatunay lamang ito na epektibo ang transparency at accountability ng pamumuno ni PNoy na siyang nagbalik ng tiwala ng publiko sa serbisyong inilalatag at isinasapubliko ng gobyerno.

Samakatuwid, patuloy ang pagtahak ng Pilipinas sa tuwid na daan na minsan nang ipinangako ni PNoy at ngayon, sa kabutihang palad ay dinaraanan na natin.

Bagama’t maraming nasasagasaan ang reporma sa gobyerno na ipinatutupad ni PNoy, na kung minsan ay nagbubunga ng hindi kanais-nais na akusasyon laban sa kasalukuyang administrasyon, isang magandang senyales lamang ito na hindi nito natitinag ang taumbayan.

###

Patuloy ang pagsala ni PNoy sa senatorial line-up ng administrasyon na magiging pambato nito sa darating na 2013 senatorial election.

Sa kasalukuyan, bagama’t hindi pa kumpleto ang senatorial slate ng Liberal Party (LP), naglabas na ang Pangulo ng 5 pangalan na ayon sa kanya ay tiyak nang pasok sa kanilang senatorial line-up.

Kabilang sa mga pangalan na inilabas ng pangulo sina Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chief Grace Poe-Llamanzares, Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, Ramon Magsaysay Jr., dating kinatawan ng Akbayan na si Risa Hontiveros at si Aurora Rep. Juan Edgardo Angara.

Ayon sa Pangulo, patuloy ang kanilang konsultasyon at pagkalap ng impormasyon upang matiyak na magiging karapat-dapat ang mabibigyan ng pagkakataon na mapasama sa tiket ng kanilang partido.

Napakabilis ng panahon at nalalapit na naman ang eleksyon. Tiyak na kapana-panabik ang mga susunod na rebelasyon ng senatorial line-up na magiging pambato ng iba’t ibang political party sa bansa.

loading...

About Thor

You must be logged in to post a comment Login

Leave a Reply